Psychic Reading, Hindi Isang Panghuhula?

Marami ang nagsasabi na ang kapalaran ng tao ay nakaguhit na sa kanilang palad o kaya ay nakaukit na sa kanilang kaluluwa habang binabagtas ang kanilang buhay sa mundong ibabaw.

Ito ang dahilan kung bakit marami ang naniniwala na sa pamamagitan ng paglapit sa mga psychic reader na kilala rin sa tawag na mga manghuhula, bagaman hindi naman talaga panghuhula ang ginagawa kundi ay pagbabasa sa kapalaran ng tao, ay malalaman nila kung ano ang dapat na landas na kanilang tatahakin.

Ngunit, nais kong bigyan dito na ang tunay na pagbabasa sa kapalaran ng tao ay hindi naman talaga dapat na ituring na panghuhula, dahil sa hindi naman tayo dito nagbabakasakali kung ano ba ang buhay na tinatahak ng isang tao, lalu na at kaya naman baguhin ang isang tao ang buhay nito.

Kung kaya’t mas mainam na gamitin na lamang natin ang katagang “pagbabasa” at hindi panghuhula sa buhay ng isang indibidwal.

Maraming pamamaraan ang psychic reading o pagbabasa sa kapalaran ng bawat isang tao batay sa destinasyon na tinatahak nito sa buhay na ito bilang isang kaluluwa na nilalang ng panginoong Diyos.

Pangunahin sa mga kilalang pamamaraan ng pagbabasa o pagsilip sa kapalaran ng bawat nilalang ay ang astrolohiya, ang pamamaraang ibinabase sa pagkakaayos ng mga planeta at bituin sa kalawakan ang buhay ng isang tao batay na rin sa araw ng kapanganakan nito.

Ang iba pang pamamaraan ay nakasandal na sa pagbabasa ng ibat-ibang bagay tulad ng tarot cards, angel cards, love oracle at marami pang ibang card na nagsulputan na rin sa panahong ito, habang ang iba naman ay di pa rin nawawala ang tradisyunal na pamamaraan tulad ng pagbabasa sa bolang kristal.

Ngunit, maniwala ba kayo na ang ganitong mga pamamaraan ng pagsilip sa kinabukasan ay nagsimula pa sa mga sinaunang sibilisasyon sa mundong ito lalu na sa panahon ng mga Egyptian, Aztec, Maya at iba pang mga sinaunang tao sa daigdig na ito.

Noon ay may kakayanan ang mga tao na basahin kung ano ang galaw ng mga ulap sa papawirin, habang ang iba naman ay nakatuon sa mga bagay sa lupa tulad ng bato, tubig at marami pang iba.

Nitong lamang nakalipas na tatlong araw na psychic festival sa Star City, nabigyan ako ng pagkakataon na magamit ko ang isang kakaibang pamamaraan ng pagbabasa o psychic reading, ito ay sa pamamagitan ng pangalan ng tao.

Naalala ko minsan nang unang sumagi sa isip ko ang pamamaraan na yan ay nagawa kong maisalarawan ang mga katangiang taglay ng paranormal expert na si Jimmy Licauco sa pamamagitan ng kanyang pangalan.

Bagaman hindi ko pa masyadong natuklasan kung ano ang iba pang lihim ng teknik na ito, ngunit malinaw na malinaw sa akin ang pamamaraan na ginagamit para malaman mo kung ano ang emosyonal, mentalidad at pisikap na aspekto ng buhay ng isang tao.

Sa lahat ng mga taong binasa ko sa aming psychic festival, ay masasabi kong mabisa ang pamamaraan na ibinigay sa akin sa pagbabasa ng pangalan ng isang tao.

At ito ay nakumpirma ng gamitan ko ng tarot cards at angel oracle na karaniwan nang ginagamit ngayon ng mga psychic reader sa kanilang pagsilip sa kapalaran ng bawat indibidwal.

Ang hiningi ko lamang sa mga taong binasa ko ay ang kanilang pangalan pati apelyido at hinayaan ko ring sila na ang magsulat para mas malakas ang enerhiya na masasagap ko at mabasa ko rin ang pamamaraan ng kanilang lagda o handwriting.

Ang aking pamamaraan ay malaki ang kaibhan sa sistema ng name reading sa pilosopiya ng Kaballah dahil sa hindi ito resulta ng kumbinasyon ng mga numero o tinatawag na numerology.

Maaaring hilaw pa ang sistemang aking natuklasan sa pagbabasa sa pangalan ng tao, ngunit masasabi kong hindi pa ako pumalya sa pagbasa kung ano ang personaldiad ng isang indibidwal na ginamitan ko ng sistemang iyon. Marahil sa hinaharap ay mapatatag ko pa ang kredibilidad ng pamamaraang ito.

Maraming salamat sa mga lumahok sa matagpat na psychic festival lalu na ang mga kapwa ko psychic reader na dumalo, maging ang mga taong nagtungo doon at ipinagkatiwala sa amin na silipin ang kanilang buhay sa nakalipas at sa hinaharap.

Nais ko lamang ulitin, ang psychic reading ay malaki ang kaibhan sa fortune telling o panghuhula. Ang fortune telling para sa akin ay bahagi lamang ng pangkalahatang mga sistema ng psychic reading.

Kayo baka interesado kayo na silipin natin ang inyong kinabukasan sa pamamaraan na aking alam tulad ng name reading, hand writing analysis at tarot card reading, mag-set lang ng appointment sa 0916-7931451 o mag-e-mail sa paranormalrey@gmail.com.#