May mga nagtatanong sa akin tungkol sa puting liwanag na kalimitang nakikita sa mga sagradong lugar tulad ng simbahan, altar, relihiyong pagtitipon at iba pa. Yan din ang liwanag na nakikita sa mga pagkakataong taimtim ang panalangin o meditasyon ng isang tao.
Sa aking sariling pananaliksik tungkol dito, ang liwanag na ito ay karaniwang nakikita ng mga taong clairvoyant o may abilidad na makita ang enerhiya sa paligid tulad ng mga espiritu mula sa earthbound soul o mga ligaw na kaluluwa hanggang sa mga matataas na espiritu tulad ng mga santo at anghel.
Kung bakit sila lang ang nakakakita, dahil sa ang kanilang ikatlong mata o third eye ay bukas na bukas na. Lahat na hindi nakikita ng pangkaraniwang tao ay kitang kita ng kanilang mga mata – saan man sila magtungo, anumang oras nila gustong makita.
Ngunit may ibang mga tao na gumagana ang kanilang third eye sa pamamagitan ng isip, kung saan maaari nilang makita ang mga nilalang sa ibang dimensiyon sa pamamagitan ng ‘mata’ ng kanilang isip o mind’s eye.
Ngayon, tungkol sa puting liwanag na ito, paano ba ito nangyayari? Ano ba talaga ito? Una kong nalaman ang tungkol sa puting liwanag na ito nang matuto akong mag-meditate. Sa tuwing meditasyon ko bagaman nakapikit ang aking mga mata, ay nakikita ko ang napakaliwanag at napakatingkad na kulay putting liwanag na ito sa aking isip.
Hindi ko lang ito nakikita kundi nararamdaman ko kung ano ang epekto nito sa aking katauhan – hindi lamang sa aking pisikal na katawan kundi lalu na sa aking emosyonal at espiritwal na katawan.
Sa mga Katoliko, kalimitang bumababa ang liwanag na ito kapag nagdarasal na ng Ama Namin (Lord’s Prayer) kung saan ang palad ay nakaharap sa taas. Kung sensitibo ang tao na nagsimba at lumahok sa ganitong panalangin ay mararamdaman nya ang napakasarap na epekto ng liwanag na ito na parang tubig na bubuhos sa iyong katauhan, mangingilabot ang buo mong katawan at tila nadagdagan ang iyong lakas.
Lingid sa kaalaman ng karamihan, ang ganung senaryo sa loob ng simbahan, bahay-sambahan, o saanmang sagradong lugar ay isang proseso kung saan iniuugnay mo ang iyong sarili sa Diyos na lumikha sa lahat – kung saan sa kanya nagmumula ang ating lakas bilang kanyang mga nilalang.
Ang ganitong proseso ay hindi lamang nagaganap sa iisang relihiyon kundi sa lahat ng mga sumasamba sa panginoong Diyos anuman ang tawag natin sa Kanya. Sa aking pansariling pananaw, ang Puting Liwanag na ito ay siya ring Banal na Espiritu o Holy Spirit na bumaba sa atin sa tuwing hihingi tayo ng basbas sa Poong Lumikha.
Nang minsan tanungin ko ang aking maybahay na isa ring clairvoyant kung ano ang nakikita niya sa tuwing umaawit ng Ama Namin o sa mga pagtitipong espiritwal lalu na sa mga healing session na minsan na niyang dinaluhan, kitang kita nya kung paano nagbubukas ang Kalangitan at bumaba ang nakasisilaw, napakaliwanag at napakaputing liwanag mula sa Kaitasan.
Sa aking meditasyon at sa taimtim na panalangin ng sinuman ay ganito rin ang kaganapan, biglang nagbubukas ang kalangitan at bumaba ang napakaputing liwanag na mas maliwanag pa sa sikat ng araw.
Nagaganap din ang ganitong senaryo sa mga oras na merong healing session dahil sa ang mga manggagamot (faith healer) ay kailangang kumuha ng enerhiya mula sa kalangitan.
Kabilang sa healing praktis na kailangan ng pagpapala mula sa Kalangitan ay ang pranic healing, reiki, psychic healing, maging ng mga manggagamot na nagtapos ng medisina na naniniwala sa kapangyarihan ng isip sa panggagamot ay ganito rin nagaganap.
Hindi lang sa gamutan o pagpapala ang naibibigay ng Puting Liwanag na ito kundi nagbibigay din ito ng proteksiyon laban sa panganib o aksidente.
Sa dinaluhan kong mga pagsasanay tungkol sa paggamit ng isip, ang sinuman o anupaman na binalutan mo ng Puting Liwanag ay tiyak na mabibigyan ng proteksiyon – maaaring ito ay ang iyong mga mahal sa buhay, iyong sasakyan, at bahay.
Kailangan lamang na paganahin ang iyong kaisipan, isipin mo na merong Puting Liwanag mula sa taas na bababa at babalutin ang sinumang tao o anumang bagay na gusto mong protektado o maibsan ang anumang problemang kaharapin niya.
Ngunit laging isaisip na gawin ito kaakibat ng iyong buong pagmamahal sa sinumang tao o anumang bagay na gusto mong bigyan ng proteksiyon o pagpapapala.