Supernatural at Clairvoyance

Nais ko lang bigyang katugunan ang ilan sa mga katanungan na halos paulit-ulit na isinasangguni sa inyong lingkod na may kaugnayan sa paksang paranormal.

Muli kong sinasabi na kung bukas lang tayo – ang ating kaisipan, sa mga bagay-bagay na hindi nabibigyan kasagutan ng siyensiya at relihiyon ay hindi mahirap para sa atin na tanggapin ang katotohanan tungkol sa mga nilalang sa kabilang dimensiyon, tungkol sa kapangyarihan ng isip ng tao at ang pakikisalamuha ng mga taga-ibang dimensiyon sa ating mundong ginagalawan.

Tanong: Kung Clairvoyant ba ang isang tao, pwede bang maisara yun?
Sagot: Ang kakayanang makakita ng mga espiritu po clairvoyance ay nahahati sa dalawang uri. Ang una ay tinatawag sa pangalang “objective clairvoyance” – ang kakayanang makakita ng mga espiritu sa mismong pisikal na mga mata; at ang pangalawa ay “subjective clairvoyance” – ang kakayanang makakita ng kabilang dimensiyon sa pamamagitan ng isip. Karaniwan maaari nating makita ang mga nilalang sa kabilang dimension sa pamamagitan ng isip, ngunit marami na rin sa tao ngayon ang nakakakita ng mga espiritu ng direkta sa kanilang mga mata. Kung merong ganitong kakayanan ay hindi ganun kadali isara at hindi maisasara ng ibang tao dahil sa ito ay nasa sa taong taglay ang ganitong abilidad. Ngunit dapat nating tandaan na bawat isa sa atin ay may potensiyal na magkaroon ng ganitong abilidad. Sa pagbukas naman sa ganitong abilidad ay nasa sa tao ring may gusto nito dahil sa ito ay nakasalalay sa kanyang pagtanggap ng ganitong kakayanan ng isip. Hindi rin biro ang ganitong kakayanan dahil sa kaakibat nito ang napakalaking responsibilidad lalu na sa espiritwal na layunin. Maaari itong unti-unting magising sa pamamagitan ng palagian meditasyon, at laging pinagagana ang isipan.

Tanong: Paano malalaman kung Supernatural ang isang tao?
Sagot: Karaniwan kong sagot sa katanungan na ito “walang supernatural bagkus ay natural, walang paranormal bagkus ay normal.” Nagiging supernatural sa ating paningin o paniniwala kung makikita nating kaiba sa karaniwan nating nalalaman. Hindi ba’t humahanga tayo sa mga abilidad na maituturing nating hindi normal nating ginagawa? Tulad halimbawa ng pagpapagalaw sa mga bagay na hindi mo kailangang hawakan o bigyan ng pisikal na pwersa, nakung tutuusin ay isang normal na kakayanan ng tao sa pamamagitan ng kanyang isip – at ito ay kilala na sa tawag na psychokinesis o telekinesis. Kung matatanggap lamang natin na lahat tayo ay may taglay na kapangyarihan ng isip ay hindi nating masasabing supernatural, abnormal o paranormal ang isang NORMAL na kakayanan. Wala naman tayo dapat na sisihin sa mga magulang natin, sa mga ninuno natin, sa paaralan o simbahan kung bakit hindi tayo iminulat sa ganung paniniwala na ang ating isipan ay makapangyarihan. Lalu na at karaniwan tayong binabalaan na ang anumang makikita nating kaibang nilalang o magawa nating kaiba sa nakagisnan nating karaniwang abilidad ay sa demonyo o udyok ng mga masasamang nilalang. Oo at sang-ayon ako sa ganitong babala na mag-ingat tayo ngunit maaaari naman nating gamitin ang ganitong kakayanan sa kabutihan, para makatulong sa kapwa tulad halimbawa ng pagpapagaling sa mga may sakit sa espiritwal na aspekto ng buhay ng isang tao, makatulong din na gisingin ang ating kapwa na irespeto ang karapatan ng mga di nakikitang nilalang, at ang positibong kaisipan na ang ganitong kakayanang itinuturing naging paranormal o supernatural ay isang napaka-espesyal na regalo sa atin ng Poong Maykapal na dapat nating ipagpasalamat sa kanya.

Para sa inyong mga katanungan: mag-text sa 09167931451 pakilagay lang ang pangalan at tagasaan. Maaari ding mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website http://misteryolohika.tripod.com. Makinig din sa ating programang Misteryo sa dzrh tuwing sabado, alas-5:30 hanggang alas-6 ng gabi.#