Telekinesis: Kapangyarihan ng Isip, Pinag-aralan


Kaya ba talaga ng isip ng tao na pagalawin ang isang bagay nang hindi nito kailangang hawakan o bigyan ng pwersa?

Kaya ba ng ating isip na baluktutin ang kutsara o alinmang metal na bagay? Marami ang nagsasabi at naniniwala na kaya itong gawin ng isip ng tao ngunit iilan lamang ang maaaring makagawa nito. Ngunit sa aking palagay maaari naman itong pag-aralan at kailangan lamang ito ng tamang pamamaraan at palaging nagpa-praktis.

Isang siyentista sa katauhan ni James Conrad ng Murdock, Florida ang gumugol ng 20 taon at sinaliksik na mabuti kung bakit may kakayanan ang isip ng tao na pagalawin ang isang bagay.

Ang kakayanang ito ng isip ng tao na kilala sa tawag na telekinesis o psychokinesis (PK) ay pinag-aralan na ring mabuti ng Amerikanong Parapsychologist na si J. B. Rhine ng Duke University sa North Carolina.

Sinimulan ni Rhine ang kanyang pag-aaral noong taong 1934, bagaman hindi siya ang kauna-unahang gumawa ng pananaliksik tungkol dito napatunayan niya na totoo ang ganitong kapangyarihan ng isip sa pamamagitan ng mga ginawa niyang mga eksperimento tungkol dito.

Lumabas sa kanyang pag-aaral na ang psychokinesis ay walang pisikal na kuneksiyon sa proseso ng utak ng tao, o kaya ay nakapaloob sa tinatawag na ‘mechanical laws” ng pisika (Physics), sa halip ito ay mula sa tinawag niyang hindi pisikal na pwersa o non physical force ng isip at hindi utak ng tao, na kayang magbigay ng impluwensiya sa alinmang bagay.

Kaiba naman ito sa konklusyon ni Conrad, at sinabing ito ay ang lakas ng enerhiya na nagmula sa utak ng tao na may malakas na impluwensiya o pwersa sa komposisyon ng anumang bagay – pahatak man ito na kung tawagin ay atraksiyon o patulak na tinatawag sa ingles na repulsion.

Sa mas simpleng paliwanag ni Conrad, ito ay ang mataas na antas ng sustansiyang Iron sa utak ng tao. Dahil sa 80 porsiyento ng kabuuang populasyon ng buong mundo ay kulang sa iron ang katawan, dito lalung magiging matibay ang basehan ng teorya ni Conrad kung bakit iilan lamang sa mga tao ang maaaring makagawa ng telekinesis o psychokinesis.

Paliwanag pa ni Conrad, bagaman pangunahing sangkap sa telekinetic power ang sustansiyang Iron, kailangan aniya ang isang tao ay may sapat na oras ng tulog, iwasang sobra sa Vitamin E at may kakayanan na matuon ang isip sa isang bagay na gusto nitong pagalawin.

Ang pinal aniyang dapat na matutuhan ay ang pagkakaroon ng mental triggering technique na tinawag niyang “zero point emotions”. Ito ang abilidad ng tao na maglabas ng napakataas na enerhiya o cerebral energy mula sa utak.

Sa panig naman ni Rhine, ang telekinesis ay maaaring mangyari sa pamamagitan ng ESP at ito ay nasa tamang pagkakataon na ang isip ng tao ay nasa tamang kundisyon. Bagaman magkasalungat ng punto sina Rhine at Conrad, mahalaga sa lahat ay totoo ang ganitong kakayanan ng isip at utak ng tao.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 0916-7931451 o mag-email sa paranormalrey@gmail.com.#