Totoong May Anghel

 Sa araw-araw ng ating buhay ay nakakalimutan na nating bigyan ng pansin ang mga nilalang na nagpapa-alala at tumutulong sa atin na palaging makipag-ugnayan sa Diyos.Ang tinutukoy ko dito ay ang mga anghel na siyang itinalaga ng Poong Lumikha na gumabay sa atin at magbigay ng proteksiyon sa atin habang tayo ay bumabagtas sa ating buhay.

Bagaman marami ang naniniwalang may anghel, meron pa ring ayaw maniwala na sila ay totoo at para sa kanila ang mga anghel ay resulta lamang ng malikot na kaisipan ng tao.

Hindi natin maaaring pilitin ang sinuman na maniwala kung totoong may mga anghel, ngunit batay sa karanasan ng maraming tao ay masasabi nating ang mga nilalang na ito mula sa Langit ay totoo at karamihan sa mga ito ay nasa piling ng bawat tao sa mundo, samantalang ang iba naman ay paroon at parito mula sa langit.

Mismong sa Bibliya ay maraming pagkakataon na naka-ugnayan ng mga tao ang mga anghel, ngunit karaniwan silang hindi naisalarawan bilang anghel dahil sa ang mga ito ay nagpakita bilang mga ordinaryong tao, kundi man ay nakita silang nakakasilaw na purong liwanag o di man kaya ay animoy apoy tulad ng nakita ni Moses sa nasusunog na puno.

Ngunit sa mga panahong iyon hanggang ngayon ay ibat-iba ang pagpapakitang ginagawa ng mga anghel, merong mga anghel na nagpakita na taglay ang kanilang mga espada tulad ng nakasanayan nating nakikita sa Simbahan na imahe ni Arkanghel Michael o San Miguel.

Sa aking sariling pananaliksik, gusto kong patunayan sa aking sarili sa tulong ng ilang mga kaibigang objective clairvoyant – mga taong may kakayanang makita ang mga espiritu sa pamamagitan ng mga mata, kung ano nga ba ang totoong hitsura ng mga anghel.

Sa aming opisina sa Makati City, isang lalaking kaibigan ang kinausap ko kung makikita niya ng malinaw ang aking anghel dela guardia na nagpakilala sa akin sa pamamagitan ng isip.

Ang anghel na ito na may boses batang lalaki ay unang nagpakilala sa akin habang ako ay lulan ng isang bus patungong Kalookan. Kasalukuyan akong napapa-idlip habang nakaupo sa bus nang bigla akong may marinig na munting tinig at tinatawag ang aking pangalan.

Napalingon ako sa gawing likuran ng aking upuan sa akalang may batang nakaupo na kakilala ko o kaya ay kapitbahay namin, ngunit pawang lalaki at babae ang nakita ko. Lumingon ako sa ibang upuan ngunit natanto ko na wala ni isang bata sa loob ng bus na kinalululanan ko.

Sinubok kong kausapin sa aking isipan ang naturang mahiwagang tinig at tinanong ko kung sino siya at kung nasaan siya. Ang sagot ng mahiwagang tinig siya daw ang aking anghel at ang pangalan ay Richard.

Sa Makati habang kami ay may breaktime, kinausap ko si Aldrine na isang clairvoyant at pinakiusapan kong tanungin ang pangalan ng aking anghel na agad naman niyang pinaunlakan.

Isinalarawan niya ang aking anghel na kasing-edad ng pitong taong gulang na bata at ibinigay ang kanyang pangalan sa ibang ayos ng mga letra na halos hindi mabasa. Ibinigay sa akin ni Aldrine ang mga letrang sinabi ng anghel at ako daw ang bahalang mag-ayos at laking gulat ko ng aking basahin, ito ay nabasa ko sa pangalang Richie. Ang pangalang Richie ay karaniwang palayaw sa mga may pangalan na Richard.

Kamakailan lamang ngayong taong ito, isa pang kaibigan ko na si Sammy ang naging mata ko para makita si San Miguel Arkanghel at hindi kami nabigo dahil sa nagpa-unlak ang itinuturing na pinuno ng mga mandirigmang anghel.

Isinalarawan ito ng aking kaibigan na may taas na walo hanggang sampung talampakan, may suot na animo’y kabal na bakal, kalasag at may tangan na espada.

Isa pang kaibigan ko ang nagpatotoo na anumang oras na humingi siya ng tulong sa mga anghel sa oras man ng kagipitan laban sa aksidente at sakit o panganib laban sa mga masasamang espiritu ay biglang dumarating ang mga anghel na nakasuot ng puting-puti at nagliliwanag na mga damit.

Ang matindi pa nito, bagaman mahirap paniwalaan, isang tao ang nagpatotoo na nakita niya sa kanyang kaibigang lalaki ang animoy pakpak ng anghel na nagniningning sa liwanag sa gawing likuran nito na animoy nakakabit sa katawan ng naturang tao. Ito ba ay patunay na ang mga dating anghel ay maaaring naging tao sa proseso ng reinkarnasyon at kasalamuha din natin para gampanan ang kanilang mahalagang misyon sa ating buhay? May katotohanan ba dito ang mensaheng nais iparating ng pelikulang “City of Angels?”

Ngayon may mga debate kung totoo bang may pakpak o wala ang mga anghel? Ang masasabi ko lang dito, hindi na mahalaga kung sila man ay may pakpak o wala, basta ang bigyan natin ng pansin ay kung ano ang nagagawa nila sa ating buhay, kaya’t marapat lamang siguro na pasalamatan din natin sila lalu na sa mga pagkakataon na halos wala na tayong matakbuhan pag may problema, naililigtas tayo sa panganib, gumagaling tayo sa ating karamdaman at higit sa lahat ang mensaheng nais iparating sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel.