Maraming mga kababalaghan sa ating kapaligiran na hindi pa rin maipaliwanag hanggang sa kasalukuyan. Kabilang na rito ang mga pangitain na sa akala natin ay pawang mga kuwento lang, ngunit kapag naranasan natin ay masasabi nating totoo pala.
Hindi ba’t marami nang mga kaso na kapag kinunan ng litrato ang isang tao ay magugulantang ka na lang pag nakita mong walang ulo ang tao sa larawan.
Bakit nga ba nangyayari ito? Samantalang buo naman ang imahe ng taong kinunan mo nang litrato nang silipin mo sa kamera bago mo ito pinindot para kunan ng larawan.
Maraming teorya tungkol dito ang mga nasa larangan ng paranormal kung bakit nawawala ang ulo ng isang tao sa pagkakataong kinunan ito ng larawan. Subalit ang kagimbal-gimbal ay bigla mong makita ang isang tao na walang ulo ngunit alam mo namang siya ay buhay na buhay.
Isa sa mga kababayan natin ang nagtanong sa inyong lingkod tungkol dito. Sa katunayan, matagal na itong itinatanong sa akin ng marami ngunit ngayon ko lang napagtuunan ng pansin nang isang kaibigan ko ang humingi ng sakloklo tungkol dito. Mamaya ay ikukuwento ko ang kanyang karanasan sa mga taong nakita niyang walang ulo.
Tanong ni Jerry Bongtayon: Gusto ko lang pong isalaysay yung experience ng mga kasamahan po namin dito sa library. Student librarian po kami. Isang araw, may nakita po silang isang estudyanteng walang ulo as in wala hangang sa collar lang ang visible papuntang paa. Nilapitan pa po ng isa at nakitang gumagalaw naman po ang paa habang nakatayo at nakasandal sa mesa ang dalawang kamay habang nagbabasa ng dyaryo. Pagkatapos hinintay po syang lumabas ng library at tinapik sya sa balikat para daw po walang mangyaring masama sa kanya sabi ng isang staff. Paano po ba nangyayari ang ganun. Akala ko po sa mga pictures lang nangyayari ang ganun. Salamat po.
Ayon sa paniniwala ng karamihan, ang ganitong mga manipestasyon ay maituturing na mensahe sa taong nakakita nito at sa taong nakitaan nito, at ang karaniwang nasa isipan ng karamihan, ito ay babala sa tao na sadyang mag-ingat sa pangambang merong masamang mangyayari sa kanya – maaaring ito ay kamatayan.
Maalala ko minsan nang bigla akong tawagan ng isa kong kaibigan na itago natin sa pangalang Samuel na kinakabahan pa ng makita niyang walang ulo ang isang bata habang kasama ang ina nitong kapitbahay lamang nila habang naglalaro sa di kalayuan sa kanilang bahay.
Sinabi ko sa kaibigan ko na maaaring isang babala yan sa anumang mangyayari sa bata, kung kaya’t pinayuhan ko na hangga’t maaga ay sabihan ang kanyang ina na ingatang mabuti ang bata.
Bagaman, nagawa niyang bigyan ng babala ang ina ng bata ay nagulat na lamang ang aking kaibigan nang pagkalipas ng isang linggo ay nabalitaan niyang namatay ito dahil sa isang malalang karamdaman. Alam na rin ng ina na mamamatay ang kanyang anak dahil sa taglay nitong karamdaman ng pagdurugo ng ilong.
Ayon sa aking kaibigan, matagal na siyang nakakakita ng mga taong walang ulo mula nang siya ay bata pa at karamihan sa mga taong kinakitaan niya nito ay mga namatay sa aksidente, habang ang iba naman ay sanhi ng malubhang sakit sa katawan.
Sa katunayan, nung isang araw na sumakay siya sa isang pampasaherong bus ay nakita niya ang konduktor na walang ulo habang sila ay nasa biyahe, ngunit ng makarating sila sa terminal, ay nagulat na lamang siya na ilang sandali lamang ang lumipas ay patay na ito. Ayon sa mga kasamahan, nagpaalam lang ito sa driver na matutulog dahil sa pagod ngunit hindi na ito nagising.
Kabilang sa mga taong nakita niyang walang ulo: kaibigan ng kuya niya at maging kaibigan niya sa Zamboanga City na kapwa namatay sa magkahiwalay na aksidente sa kalsada; lolo ng kaibigan niya, pagkalipas na apat na araw na makitang walang ulo, namatay dahil sa sakit; at pinsan ng kanyang ina na namatay sa aksidente.
Batay sa karanasan ng aking kaibigan, hindi na niya matandaan ang iba pang mga taong nakita niyang walang ulo at naging kasunod nito ang kamatayan. Ngunit ng tanungin ko kung ano ang agwat ng panahon mula nang makita niyang walang ulo hanggang sa mamatay, sinabi nitong mula 15 minuto hanggang sa pinakamatagal na isang linggo.
Ngayon, ano ang dapat na gawin kung makita niyo ang isang tao na walang ulo at kayo ay nangangamba na may masamang mangyayari sa kanya? May punto ang sinasabi ng mga matatanda na tapikin mo ang taong iyon at sabihan mong mag-ingat bagaman tulad ng karanasan ni Samuel tinapik niya yung konduktor subalit kalaunan ay namatay din. Sa aking personal na kaalaman, maaari mong ipagdasal ang taong iyon na wag sapitin ang kamatayan ngunit kung talagang oras na niya ay talagang wala na tayo magagawa.
Ang isa pang naisip kong paraan para bigyan ng proteksiyon ay isipin na merong puting liwanag na dumadaloy mula sa kalangitan at babalot sa buong katawan at katauhan ng tao. Ang kapangyarihan ng puting liwanag na animoy isang haliging puting-puti at nakasisilaw na liwanag ay napatunayan kong mabisa bilang proteksiyon at pampaalis ng karamdaman sa katawan. Sa mga taong clairvoyant ay malinaw itong nakikita ng kanilang mga mata, ngunit sa iba ito ay karaniwang nakikita sa isip at nararamdaman ito sa pamamagitan ng kilabot sa katawan at gumagaan ang inyong pakiramdam. Ang iba naman ang pakiramdam ay parang binuhusan ng napakalamig na tubig ang buong katauhan. Laging tandaan na iisa lang ang susi para maging mabisa ang lahat lalu na ang panalangin, manalig, maniwala ka at magtiwala ka sa Panginoong Diyos.