Astral Projection, Sanib, Panaginip at Bulong
Rey T. Sibayan
January 2006
Dumarami na nga sa ating mga kababayan ngayon ang nagigising sa katotohanan na may mga nangyayaring kababalaghan sa kanilang buhay, bagaman karamihan ay ayaw pa ring lumantad.
Ngunit sa aking palagay, kapag naging bukas lamang ang ating kaisipan sa mga karanasang hindi basta maipaliwanag ng lohika ay maraming kababayan natin ang maghahayag ng kanilang kakaibang karanasan.
Tulad na lamang ng katanungan ng isang nagpakilalang Procopio: Gusto ko lang pong itanong kung totoong merong nakagagawa ng astral projection at totoo din ba ang mga sinasapian ng mga kaluluwa tulad ni Emily Rose?
RS: Ang aking kasagutan sa tanong ni Procopio ay ganito, hindi natin alam na karaniwan na nating nararanasan ang astral projection sa ating pagtulog. Ang buong akala natin ay panaginip lamang ang ating naranasan habang tayo ay tulog, yun pala ay astral projection o astral travel na. Merong apat na uri ng Astral Projection: involuntary and conscious projection- di inaasahang astral projection ngunit alam mo na nasa labas ka ng katawan; involuntary but unconscious projection – di inaasahang paglabas ng katawan na hindi mo namamalayan na akala mo ay panaginip lamang; voluntary and conscious projection – sinadya mong makalabas ng katawan at alam mong ikaw ay naglalakbay; at ang voluntary but unconscious astral projection – sinadya mong lumabas ng katawan nang sa bandang huli ay hindi mo na namamalayan na naglalakbay ka sa labas ng iyong katawan.
Maraming nangangamba na baka hindi ka na makabalik sa iyong katawang lupa sa astral projection. Ang paliwanag dito ng mga eksperto sa astral travel, wala kang dapat na ipangamba dahil sa bahagi lamang ng iyong kaluluwa ang lumalabas ng iyong katawan taglay ang iyong kamalayan. Ang mga kaso ng bangungot ay ibang usapin dahil sa ito ay sanhi ng matinding problema sa katawan ng isang tao – maaaring bumigay na lamang kusa ang kanyang puso lalu na kapag nakakita ng mga di inaasahang nilalang sa panaginip o sa labas ng kanyang katawan. Ang lagi kong payo sa mga nakakaranas ng astral projection, panatiling maging kalmado at isipin na ang Diyos ay laging sumasainyo. At hindi ka maaaaring mamatay hangga’t hindi mo pa oras na sumakabilang buhay.
Yung isang tanong tungkol sa mga sinasaniban, baka hindi niyo alam na hindi namamalayan na tayo ay laging sinasaniban sa bawat araw ngunit yan ay kagagawan din ng ating mga anghel at iba pang mabubuting espiritu. Hindi bat may pagkakataon na nagawa natin ang isang bagay na hindi namamalayan? O kaya ay nagawa natin yun sa unang pagkakataon na hindi naman natin madalas na ginagawa. Ngunit ang pinakamatinding sanib sa katawan ay ang mga espiritung maituturing nating negatibo o mas matindi ang mga itinuturing nating mga demonyo. Kaya nagiging bayolente o marahas ang isang taong may sanib dahil sa pumapalag dito ang kaluluwa ng may katawan ibig sabihin ay lumalaban ito, ngunit malakas ang espiritung pumapasok. Kahit sinong tao ay maaaring saniban lalu na ang mga sensitibong tao o ang mga nakakakita o nakakaramdam ng mga hindi nakikita. Ngunit wag kayong mag-alala merong mga hakbang na maaaring gawin para mabigyan ng proteksiyon ang sarili. Ang subok nang paraan laban sa sanib ay ang pagdarasal ng taimtin at pananalig sa Diyos, meditasyon ng puting liwanag na binabalutan ang sarili at ang masasabi kong mahalaga ay kailangang wala kang negatibong emosyon o kalooban.
Ang negatibong emosyon tulad ng galit, hinanakit, pagka-inggit, pagkamuhi, at iba pa ay siyang nagiging susi para sa isang masamang espiritu na sumanib sa katawan ng isang tao. Kaya kailangang panatilihing malinis ang kalooban at punung-puno ng pag-ibig ang inyong puso at isipan.
Tanong ni Mila Paz Cabanig ng Cavite: Tanong ko lang po bakit sa panaginip ko ay minsan nagkakatotoo gaya ng minsan ay napanaginipan ko na isang pampasaherong bus nahulog sa bangin. After ng mga ilang linggo o buwan may nangyari na.
RS: Tulad ng iba, ang ganitong panaginip ay matatawag na predictive dream na nangangahulugan na ipinapakita sayo ang isang senaryo na mangyayari pa lamang sa hinaharap. Nasa iyo kung paano mo maipaparating sa kinauukulan ang nakita mo sa panaginip ngunit ang pinakamainam sa lahat ay ipanalangin mo na wag mangyari
Tanong ni Dan ng Bulacan: Ano po kaya minsan yung nangyari sa akin parang may bumubulong sa akin pero di ko maintindihan parang ibang lenguwahe po saka nangyari po ito 12:30 ng madaling araw pag dun lang po ako natutulog sa kuwarto ng lolo ko patay na po siya 18 years na po kahit po nagtakip na ako ng unan nadidinig ko pa po pero iba po yung salita. Minsan naman po di ko maigalaw ang aking katawan pero di ko po alam kung panaginip o gising ako
RS: Ang nararanasan mo ay karanasan din ng iba. Napakasensitibo mo sa bulong ng mga espiritu kung kayat pag-ingatan mo. Wala namang masama na pakinggan mo sila baka mayron silang gustong iparating o sabihin na mensahe. Kung hindi mo maintindihan, maaaring makiusap sa kanila na magsalita sila ng lengguaheng alam mo. Ang mga espiritu ay may kakayanan na magsalita ng kahit na anong lengguwahe. Marahil ang tinig na iyon ay ang yumao mong lolo ngunit makikilala mo naman ang boses kung siya nga yun. Yung hindi mo maigalaw ang iyong katawan na akala mo panaginip o gising ka. Sa totoo lang ay tulog ang buong katawang pisikal mo nun kaya di mo maigalaw. Ang bahagi ng iyong kaluluwa ay nakahiwalay na sa iyong katawan ngunit hindi ka pa naman patay nun….yun ang tinatawag na astral projection. Karaniwan na itong nangyayari kapag sobrang pagod ang katawan o di man kaya ay masyadong relax ang katawan at kaisipan.