Bagaman bawat segundo ng ating buhay ay may nagaganap na himala, iilan lamang sa atin ang nakapapansin nito dahil sa masyado tayong abala sa ating trabaho, sa ating pag-aaral at iba pang mga pang-araw araw na nating Gawain.
Maraming uri ang mga himala sa buhay ng tao. Unang-una ang ating buhay mula ng tayo ay gumising sa umaga hanggang sa tayo ay matulog sa gabi ay maituturing nating himala. Ang di inaasahang pagtulong ng ating kapwa sa atin ay masasabi nating himala. Ang pagkakasundo ng mga mag-kaaway ay himala. Ang paggaling ng isang taong may sakit ay himala. At ibat-iba pang himala na bagaman karaniwan na nating nararanasan sa araw-araw ay hindi na natin itinuturing na himala sa katwirang karaniwan na itong dumarating sa atin.
Ngunit paano kung ang materyalisasyon ng isang bagay mula sa kawalan ay naganap sa inyong buhay, masasabi ba ninyo itong himala? Tulad halimbawa ng biglang sulpot sa iyong harapan ng isang bagay na sa pagkakaalam mo ay imposible namang maganap.
Ganito ang naging karanasan ni Malou at kanyang mga kasamahan sa isang therapy center sa Paranaque City noong gabi ng Lunes, Agosto 20, 2007.
Pasado alas-7 ng gabi, katatapos lamang ng buong araw na pagsisilbi sa tao ang Dorn Method Back Pain Therapy Center sa Better Living Subdivision, Paranaque City nang unang mapansin ni Rose, secretary ni Malou ang isang kulay puting balahibo ng pakpak sa ibabaw ng susi ng sasakyan na nakapatong sa ibabaw ng mesa.
Bagaman, sa unang tingin pa lang nila ay nangilabot na sila dahil sa imposibleng magkaroon ng balahibo ng pakpak sa loob ng therapy center na dahil sa ito ay selyadong nakasara sanhi ng air condition ay wala naman silang alagang ibon o manok sa loob.
Nang hawakan ni Malou ang naturang balahibo ay nababalot pa ito ng mainit na enerhiya na kung iisipin natin ng lohika ay animo’y bagong pilas sa pakpak at damang-dama nilang lahat ang matinding kilabot ngunit masarap sa pakiramdam na enerhiya nang sumandaling iyon.
Iisa ang namutawi sa kanilang mga labi ng mga sumandaling iyon nang sila ay magtanong sa bawat isa kung saan nagmula ang balahibo ng pakpak – at ito ay mula sa pakpak ng anghel lalu na at bago nila simulan ang buong araw ng therapy ay nakaugalian na nilang magdasal sa Diyos at sa mga anghel partikular na kay San Miguel Arkanghel.
Bagaman sa kanyang paniniwala na ito ay mula sa isang anghel at malakas ang kanilang kutob na mula ito kay Arkanghel Miguel, minabuti ni Malou na sumangguni sa isang channel.
Ang Channel ay merong kakayanan na makipag-ugnayan sa mga nilalang sa kabilang dimensiyon o sa daigdig ng mga espiritu.
Nang taungin ng isang channel ang nilalang na maaaring pinagmulan ng naturang balahibo ng pakpak at kinumpirma nitong mula nga ito sa isang anghel, at ito nga ay si Arkanghel Miguel.
Maging ang inyong lingkod ay tumanggap din ng mensahe mula sa isang channel na ang naturang balahibo ay mula sa isang anghel, kung kayat maging ako ay kumbinsido tungkol dito.
Mahirap paniwalaan ngunit nagaganap ang ganitong materiyalisasyon ng mga bagay na sa akala natin ay imposibleng maganap. Ito ay kung buo ang ating paniniwala na kahit saan, anumang oras at panahon ay maaaring magkaroon ng itinuturing nating himala sa ating buhay.
Kung matuto lang tayo na isipin at tanggapin na maging ang ating buhay kahit gaano kahirap ay ituring nating isang himala ay di malayong maranasan natin ang ganitong kaganapan sa buhay ni Malou.