Tulad ng dapat na maganap sa pagpasok ng Bagong Panahon ng Aquarius (Age of Aquarius), habang umuusad ang panahon ngayon ay nagiging kapansin-pansin ang unti-unting pagbubukas ng malawak na kaisipan at pang-unawa ng tao hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Tulad halimbawa sa nakalipas kong programa nitong sabado, Misteryo sa DZRH, ay naging mainit at kapupulutan ng aral ang naging talakayan naming ni George Balagtas, ang nagtataguyod sa aral na itinuturo ng kanilang samahan na tinaguriang DEO o Divine Endeavors Organization.
Kabilang sa mga naitanong sa aming talakayan na hindi namin nasagot sa himpapawid dahil kapos na sa oras ay ang mga sumusunod.
* Ako po ay isang couple for Christ, nung binawtismuhan po ako umangat daw ako sa tinatapakan ko at nagsalita ako ng ibat-ibang wika, gift po bay un. – Juliet
RS: Batay din sa paliwanag ni Ginoong George, at batay din sa paniniwala mo Juliet, totoong spiritual gift yan ang nakakapagsalita sa ibat-ibang wika. At ang pag-angat ay isang palatandaan na naging matibay ang kuneksiyon mo sa kaitaas-taasan.
* Tanong kop o pag may nangyayaring barilan sa Basilan katulad nung pinugutan ng ulo nakita ko sa isang baso ko ang isang pugot na ulo ang sabi ko sa sarili ko may masamang mangyayari, nagkatotoo nga. Umiyak nga ako.
RS: Marahil ay naging guilty ka sa nangyari dahil sa nasabi mong may mangyayaring masama. Tulad ng iba ganyan ang kanilang nararamdaman sa paniniwalang sila ang may gawa nun na parang isang sumpa, ngunit sa totoo lang kaya mo nakita ang isang pangitain tulad ng pagkakita sa pugot na ulo sa baso ay isang mensahe mula sa kabilang dimensiyon o daigdig na talagang may masamang mangyayari. Isang mensahe na mahirap ihayag sa tao lalu na at nakasalalay dito ang usaping pang-seguridad. Yan din ang problema ng mga taong sensitibo o nakakakita, nakakarinig ng mga mensahe dahil wala silang sapat na kalayaan na ihayag ang anumang mensahe na ipinaramdam o ipinakita sa kanila.
* Bakit po ba na-develop lalu yung pagka-sensitive ko sa paligid at pagkaganun, ano po ba mga pwede magawa o kaya gawin. Ayaw ko makaramdam ng may mamamatay. – Arki
RS: May mga pagkakataon talaga na kahit na ayaw mo man sa gusto ay talagang darating ang pagkakataon na nagiging mas sensitibo tayo sa mga hindi nakikita sa ating dimensiyon na ginagalawan. Ang iba ay takot lalu na at nakakakita na sila ng mga kaluluwa o engkanto sa paligid. Sa totoo lang hindi biro na magkaroon ng ganitong abilidad dahil sa isa itong malaking responsibilidad ng mismong taong nakakaranas nito
*Bakit po magkakaiba ang kapalaran ng bawat tao? – Nhorjan ng Maliga ng Buluan, Maguindanao
RS: Tayo rin ang gumagawa ng kapalaran natin. Oo nga at merong nakalaan na landas ng ating buhay o yung tinatawag na na destiny, maaari pa rin itong baguhin sa pamamagitan ng ating sariling desisyon na sa akala natin ay mas makabubuti sa atin.
*Yung sister ko po kapag nanaginip, nangyayari po o kaya ay nangyari na, ano po ba ibig sabihin nun.
RS: Tulad ng mga pangitain kahit na gising ay maaari ding magpadala ng mga mensahe ang mga nasa kabilang dimensiyon sa pamamagitan ng panaginip, bagaman hindi kadalasan na literal ang panaginip ngunit sa mga taong may mas sensitibong nararamdaman o matatawag nating visionary ay ganito ang nangyayari, kung kayat kung may pagkakataon ay ihayag natin sa iba kung ano ang nakita natin.
* Lord Jesus said “ang way to heaven ay ang pagpapatawad sa kapwa tao.” Paano po kung hindi nagpatawad ang isang tao at namayapa na, sa kingdom din po kaya siya ni Lord, magtutungo.
RS: Tulad ng sinabi ng Panginoong Hesukristo, magpatawad ka para patawarin ka, mahalin mo ang iyong kapwa (lalu na ang kaaway) ng tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili. Ang pagpapatawad ay isang napakahalagang aspeto ng pag-ibig sa ating kapwa ke kaibigan man natin o kaaway. Kung namayapa na ang isang tao, kapag may dinadalang mabigat sa dibdib nito ay dadalhin din niya ito sa kabilang buhay. Bagaman lahat ay tanggap sa Kalangitan ngunit kapag mabigat ang nasa kalooban ay malabong mangyari yun hindi dahil sa ayaw ng Diyos na tayo ay tanggapin kundi tayo ang maglalayo sa sarili natin sa kanya. Kahit na nasa kabilang buhay ay meron pa rin tayong pagkakataon na magpatawad ng kapwa, ngunit sa iba na hindi ganito ang pagkakaunawa ay matagal na panahon na mananatili sa pisikal na dimensiyon at pagala-gala dito ang kanilang kaluluwa.