Isang kaibigan ko ang nagsabi sa akin na siya ay hinihimok na sumama sa kanilang sekta at pinayuhan ko naman na pag-isipan niyang mabuti, damhin kung nararapat ba siyang lumahok sa kanilang samahan.
Isa lamang yan sa patuloy pa ring kaisipan ngayon ng bawat relihiyon o sekta na nagpapadami ng kanilang mga miyembro para ipakita lamang sa tao na sila ay malakas na grupong espiritwal.
Isang paniniwala na kapag marami ang mga ka-miyembro ay hindi mo basta-basta makukuwestyun ang kredibilidad na sila nga ang grupong nagtataglay ng katotohanan at ang palaging ipinangangalandakan na “maliligtas ang kaluluwa” mula sa kasalanan.
Bawat isa sa atin ay hindi naman talaga alam kung ano ang katotohanan ng buhay maliban lamang sa ibang mga tao na may kakayanan na silipin ang kabilang buhay sa pamamagitan ng pamamaraan na tiyak namang kokondenahin ng mga panatiko sa kanilang relihiyon na kinaaaniban.
Ang usaping espiritwal ba hanggang sa ngayon ay maituturing na tila isang pakontes o paligsahan at kailangang ibatay sa relihiyon para masabi mong wala kang kasalanan, malinis, matuwid at tiyak ang kaligtasan?
Hindi na ba maaaring mawala ang ganung paniniwala sa atin na kesyo ang ibang relihiyon o sekta ay masama at ang iba naman sa paningin ng kanilang tagasunod ay natatangi sa lahat?
Paano naman kung ang akala ninyong kinaaaniban niyong relihiyon o sekta ay siya palang nagtutulak sa inyo sa dagat-dagatang apoy ng impiyerno at huli na ang lahat para kayo ay umatras o kumalas.
Hindi ako laban o salungat sa itinuturo ng mga relihiyon ngunit ang lagi ko lang napapansin ay bakit laging banatan, batikusan, siraan at kung anu-anong mga salita ang dapat na bitawan para lamang ipamukha sa tao na ang kani-kanilang relihiyon ay tama at nasa tuwid na landas.
Oo nga at tama naman ang layunin ng bawat sekta na kaya nila ginagawa yun ay para bigyang gabay ang tao kung saan sila dapat na makisalamuha kung espiritwal ang pinag-uusapan.
Ngunit para sa akin, hindi naman siguro dapat na siraan natin ang isang sekta o relihiyon para lamang mahjmok ang sinuman na sumama sa atin, bagkus ay lalu pang palaganapin ang Banal na Salita at hayaan na lamang natin ang tao na silang pumili at hindi pilitin na umanib sa alinmang kapatiran.
Ako ay naniniwala na ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang paniniwala at kanya-kanyang pananampalataya at hindi mo maaaring ihambing ang iyong pananampalataya sa iba dahil sa hindi natin saklaw kung ano ang itinuturing na katotohanan ng iba na posible namang kaiba sa katotohanan na alam natin.
Maalala ko minsan sa aking website http://misteryo.multiply.com ay merong nagbabala sa akin na ilagay ito sa black list kanilang website dahil sa kanilang paniniwalang ikinakampanya ko ang paniniwalang New Age.
Para sa kanila ang New Age ay itinuturing na kampon ng kasamaan dahil sa salungat daw sila sa itinuturo ng simbahan o anumang relihiyon na hindi nakabase sa Bibliya.
Unang-una nilinaw ko hindi ako kaanib ng New Age dahil sa katotohanan ako ay nanatili sa nakagisnan kong relihiyon, na bagaman alam kong meron ding mga dapat ipaliwanag sa tao dahil sa magkakasalungat na detalye sa buhay ni Hesukristo, ay nandun pa rin ang aking respeto.
Yun ang sana ay dapat na manaig sa bawat isa sa atin, ang respeto sa bawat isa kahit na magkakasalungat ang paniniwalang espiritwal at kinaaanibang relihiyon o sekta ay wag nating husgahan ang isang grupo na sa akala natin ay taliwas sa ating paniniwala.
Ako ay naniniwalang kaya pinahintulutan din ng Panginoong Diyos na magkaroon ng ibat-ibang relihiyon para na rin sa ikabubuti nating lahat dahil sa magkakaiba ang takbo ng ating kaisipan, pilosopiya, at mga paniniwala.