Marami sa ngayon ang nakarinig sa pagbagsak ng UFO sa Corona malapit sa Roswell, New Mexico noong Hulyo 1947 ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan, ang naturang insidente ay maituturing na kauna-unahang cover-up o pagtatakip sa totoong pangyayari.
Sa kabila ng mga nakuhang mga ebidensiya ng naturang insidente ay idineklara ng pamahalaang-US na hindi UFO (Unidentified Flying Object) bagkus ay weather balloon ang bumagsak at ang sinasabing mga labi o bangkay ng mga ekstra-terestriyal (ET) ay pawang mga manika na nakalagay dito.
Kailan nga ba nangyari ang Roswell UFO Crash? Ano ang mga sumunod na pangyayari? Totoo bang may mga nakuhang mga patay na ET sa naturang bumagsak na sasakyang pangkalawakan? Bakit idineklara ng Amerika na hindi ito UFO kundi ay bahagi ng operasyon ng pamahalaan para sa pagsubaybay sa kilos ng panahon? Ngunit, ito ay ginawa sa kabila ng naunang pahayag na ibinalita pa ng pamahalaang-Amerika na nakakuha sila ng bumagsak na UFO.
Narito ang mga sunud-sunod na pangyayari sa Roswell UFO Crash at kayo na lamang ang bahalang humusga:
Hulyo 2, 1947: Sa gabing ito na kasagsagan ng mga pagkulog at pagkidlat ay biglang nabulabog ang mamamayan ng Corona nang bumagsak sa rantso ng pamilya Foster ang hinihinalang flying saucer. Ang pinakamalapit na base militar sa kinabagsakan ng UFO o crash site ay nasa Roswell, New Mexico kung kayat tinawag itong Roswell Crash sa kabila nang mas malapit sa crash site ang bayan ng Corona.
Hulyo 3, 1947: Natagpuan nina William “Mac” Brazel at pitong taong gulang na si Dee Proctor ang umanoy mga pirasong bahagi ng bumagsak na flying saucer. Si Brazel ay ang foreman ng rantso ng mga Foster. Namangha sina Brazel at Proctor sa nakita nila dahil sa nagkalat ang mga pira-pirasong bahagi ng bumagsak na sasakyang pangkalawakan. Nagawang makakuha ng isang piraso sina Brazel at Dee kayat pagdating sa bahay ng bata ay ipinakita ito kina Floyd at Loretta – mga magulang ni Dee at sinabing maging sila ay noon lamang nakakita ng naturang mga materyales.
Hulyo 6, 1947: Nagawang ipakita ni Brazel kay Chaves County Sheriff George Wilcox ang piraso ng bumagak na UFO. Agad na tumawag si Wilcox sa Roswell Army Air Field at nakipag-usap kay Major Jesse Marcel, isang intelligence officer. Agad na nagtungo sa sheriff’s office si Marcel at nagpasyang tignang mabuti ang piraso ng material. Agad naman itong nag-report sa kanyang commanding officer, si Colonel William “Butch” Blanchard at inutusan nito si Marcel na kumuha ng kasama mula sa counter intelligence corps at agad na nagtungo sa rantso kasama si Brazel, sa layuning makakuha pa ng mga karagdagang mga ebidensiya. Ilang sandali lamang ay biglang dumating sa sherrif’s office ang mga kagawad ng military police at kinuha ang kapirasong bahagi ng UFO na bumagsak at dinala kay Blanchard. Agad na inilipat sa 8th Air Force headquarters sa Fort Worth at dinala sa Washington. Sina Marcel, Brazel at Sheridan Cavitt ng Counter Intelligence Corps ay dumating sa rantso ng mga Foster kinagabihan, nakitulog at kinaumagahan ay nagtungo sila sa crash site.
Hulyo 7, 1947: Nangolekta sina Marcel at Cavitt ng mga piraso ng bumagsak na flying saucer sa rantso Foster at nang mapuno ang sasakyan ni Cavitt, sinabihan ni Marcel ang intelligence officer na mauna nang ihatid ang mga nakuhang pira-pirasong bahagi ng UFO at saka na lang sila magkita sa Roswell AAF. Napuno rin ng mga nakolektang pira-pirasong bahagi ng UFO ang sasakyan ni Marcel at habang ito ay nasa daan patungo sa air field, ay dumaan muna sa kanilang bahay at ipinakita sa kanyang asawa at anak ang kakaibang materyal na natagpuan nila.
Hulyo 7, 1947, 4 ng hapon: Sinimulan ni Lydia Sleppy sa Roswell radion station KSWS ang transmisyon ng istorya sa pamamagitan ng teletype machine tungkol sa bumagsak na flying saucer sa Foster Ranch. Ngunit, naudlot ang transmisyon na posibleng kagagawad umano ng FBI – Federal Bureau of Investigation.
Hulyo 8, 1947: Sa umaga ng araw na ito ay dumating sina Marcel at Cavitt sa Roswell AAF lulan ng kanilang mga sasakyan na punung-puno ng mga nakolekta nilang mga materyales, at ito ay inihatid sa pamamagitan ng eroplano patungong Fort Worth AAF.
Tanghali ng Hulyo 8, 1947: Inatasan ni Colonel Blanchard na nakabase sa Roswell AAF si 2nd Lt. Walter Haut na maglabas ng press release para ibalita na ang US Army ay nakakita ng mga pira-pirasong bahagi ng bumagsak na flying saucer. Si Haut ay siyang public information officer ng 509th Bomb Group sa Roswell AAF, Dinala ni Haut ang press release kay Frank Joyce ng radio station KGFL, at hinintay muna na makabalik sa base military ang opisyal saka tinawagan ni Joyce para kumpirmahin ang balita at saka ipinadala patungo sa United Press Bureau.
Malinaw sa mga magkakasunod na araw na ito mula Hulyo 2, 1947 ay merong nakuhang mga materyales sa bumagsak na UFO o flying saucer na sa bandang huli ay pagtatakpan na ng mga opisyal ng military sa mga panahong iyon.
Idinetalye ko sa inyo ang pangyayaring ito para kayo ang humusga kung totoo ba na merong bumagsak na UFO sa Roswell, New Mexico at gaano kabilis din itong pinagtakpan ng militar sa Amerika. Abangan ang karugtong ng pangyayaring ito.