Samut-Saring Reaksyon sa The Da Vinci Code

Lalu pang naging kontrobersiyal ang aklat na sinulat ni Dan Brown na may pamagat na The Da Vinci Code dahil sa magkakasalungat na reaksiyon ng mamamayan lalu na ng mga Kristyano tungkol sa naturang nobela na isinapelikula na merong katulad na pamagat.

Nang ilabas ko ang aking sariling pananaw tungkol sa kontrobersiyal na nobela, narito ang reaksiyon ng ating mga kababayan at base dito ay napatunayan kong magkakaiba ang paniniwala ng ating mga kababayan tungkol dito.

Merong isang panig ng mga Kristiyanong na talagang matatag ang kanilang paniniwala na ang Panginoong Hesukristo ay hindi kailan man nakipagniig kay Maria Magdalena at napanatili nito ang umanoy pagiging banal o malinis sa mga mata ng tao at sa Diyos.

May ibang panig naman ay bukas sa sinulat na nobela ni Brown at naniniwala silang bilang isang tao, ay hindi maiiwasan na umibig si Hesus at hindi natin maaaring alisin ang naturang karapatan dahil sino nga ba tayo na dapat manghusga.

Abet Ediesca: Ginoong Sibayan hindi mabuting hangaan ang Hesus ni Brown. Ang tunay na Hesus ay hindi nag-asawa sa laman ayon sa mga kasulatan at mga propeta ng Diyos. Sa Bibliya merong babala na may mangangaral ng ibang Hesus, kaiba sa pangaral ng mga Apostol e ikatwil mo. Kung panatag ka sa pangaral ng Apostol, isang agiw lang yang kay Brown.

Janis Abuan: I have read your column in Balita re Da Vinci Code. I think you have reviewed the issue fairly, I gained insight re the matter. Thanks. I salute you for a fair, just and sensible views on the matter. (Nabasa ko po ang inyong kolum sa Balita tungkol sa Da Vinci Code. Sa palagay ko po ay nabigyan niyo ng sapat na timbang ang magkabilang panig tungkol dito. Nakakuha po ako ng dagdag kaalaman sa naturang paksa. Salamat. Saludo po ako sa pananaw ninyong patas, makatarungan at walang kinikilingan sa naturang paksa.)

Bro. Antolin (Born Again Christian): Bro. Rey nabasa ko sa iyong pitak sa Balita ang tungkol sa relasyon ni Hesukristo kay Maria Magdalena. Sa tingin ko Bro. Rey kaya hindi matanggap ng Simbahang Katoliko ang Da Vinci Code kasi bawal sa aral-Katoliko ang pag-aasawa ni Hesus bilang punong saserdote (pari) ay nais nila ipakita sa mata ng tao na malinis silang mga pari. Nakalimutan nila si Adan binigyan ng Diyos ng babaeng si Eba para may makasama at makatutulong. Tapos pagbawalan nilang mag-asawa (ang mga pari)? Di ba lumalabag sila sa nais ng Diyos sa tao? Dapat lang ituro sa tao ang totoo hindi kasinungalingan. Mag-isip po tayo! Tama ang The Da Vinci Code!

09169785844: Alam mo sir masama talaga ang imahe sa Da Vinci Code sa marupok na puso at hindi maganda ipalabas sa kahit saan man. Sayo ok lang kung matibay ang puso mo wag magdamay

Migs, 15y/o: Pwede po bang malaman kung ano po ang kabuuan ng istorya ng Da Vinci Code. Kasi gusto ko pong mapanood matagal ko pong inabangan yun, tapos R-18 pala. Paki-kwento naman po…please.

Sharon Palomar, 18, Tarlac: Tama kayo dyan, Masyado kung magbigay ng komento ang ilang pari even in politics nakikialam pa sila eh bakit po pinaghiwalay ang relihiyon at pulitika di ba?

Concon ng Bataan: Isa po ako sa estudyante ng Ikatlong Tipan (Third Testament) at hindi po lingid sa aming kaalaman na si Hesus at Magdalena ay totoo na naging mag-asawa sila. At ito talaga ang ipinagtapat sa amin ni Hesus matagal na panahon na ang lumipas. Ang pagtatapat niya ay tunay at totoo at doon nga tayo tinignang kung may mababago ba sa ating pananampalataya kay Hesus. Buhay niya yun walang karapatan ang tao na saklawin iyon kung ano man ang kasaysayan niya ay dapat tanggapin, huwag husgahan. Bilang makatarungang tao ay dapat na maglagay sa timbangan na hawak ng babae ay ang dalawang lalagyan parehong positibo at negatibo kasi kung isang panig lang po tayo titingin ay hindi patas kaya ano man ang di maganda na buhay ni Hesus sa pagiging mag-asawa nila ni Magdalena ay dapat tanggapin din ng tao. Kaya madami ka pang lihim ng Diyos na matutuklasan niyo po. Madaming lihim ng kalangitan para sa aming mga kapwa kung ayaw naman nilang tumanggap ay depende sa kanila pero gugulantangin na lang ang mundo sa darating na kaganapan. Ang Da Vinci Code na ipinalabas sa pelikula ay may pinagsabihan na kami na tao kaya lang hindi kami pinaniwalaan.

Sa mga nagbigay ng reaksiyon sa aking pitak dito sa Balita ay taus puso po ang aking pasasalamat. Negatibo man po o positibo ang inyong reaksiyon ay ganito po ang malayang pamamahayag. Nirerespeto ko po ang inyong mga opinyon at alam ko pong nirerepesto niyo rin ang opinyon ko. Ganito po ang nais po nating maganap sa ganitong usapin dapat ay bukas ang bawat isa sa opinyon o pananalig ng iba hindi yung isinasara natin ang pintuan ng mga lumalabas na mga detalye lalu na tungkol sa buhay ni Hesukristo.