Dalawang linggo na lamang bago ang Holy Week o Mahal na Araw ay halos handa na ang Bundok Banahaw para sa pag-dagsa ng mga deboto at iba pang mamamayan na merong mga panata kung kayat sadyang aakyatin ang itinuturing na sagradong bundok.
Ang mga residente lalu na ang mga “pator” o guide sa naturang sagradong bundok ay handa na sa pagsalubong at pagbibigay ng serbisyo sa mga kababayan natin, mga deboto man o hindi ng partikular na sekta o relihiyon, mga turista at iba pang nais na magkaroon ng kakaibang karanasan sa Mahal na Araw.
Nitong weekend, pagkalipas ng walong taon mula ng huli kong akyatin ang bundok Banahaw ay muli ko na naman dinalaw ang sagradong bundok para makapagmuni-muni at maiangat ang aking kamalayan sa espiritwal.
Tulad ng nakagawian, kasama ko sa aking paglalakbay patungong Banahaw si pareng Nick de Guzman na siyang paroon-parito sa naturang bundok na matatagpuan sa lalawigan ng Quezon.
Para sa mga hindi pa nakakapunta sa bundok Banahaw, masasabi kong mas komportable na ngayon ang pagtungo dun kesa noong mga naunang pagkakataon na umakyat ako sa naturang lugar dahil sa di tulad noon na talagang dadaan ka sa mabato at maalikabok na kalsada, salamat naman at meron nang nakalatag na sementadong kalsada patungo sa Kinabuhayan.
Ang bundok Banahaw ay matatagpuan sa layong 170 kilometro sa timugang-silangan ng Maynila at maaari itong puntahan sa pamamagitan ng bus mula Maynila patungong San Pablo City at mula dun ay sakay ng jeep patungong barangay Kinabuhayan, Dolores, Quezon. Bagaman maaari ding marating ang bundok mula sa ibang direksiyon tulad ng mula sa Lucban at Tayabas, Quezon.
Naging usap-usapan ang bundok Banahaw sa mga kababalaghan na naranasan dito ng marami nating kababayan mula pa nang ideklara itong sagrado ng mistikong si Agrapino Lontok habang taong 1921 pa ito naideklarang pambansang parke o national park.
Tampok sa bundok Banahaw ang mga idineklarang mahimalang “puestos” o mga lugar kung saan matatagpuan ang mga bukal ng tubig, kuweba, at iba pang mga lugar na maitutulad sa mga istasyon ng paghihirap ng Panginoong Hesukristo, aparisyon ng mga imahe ng nakagisnang Diyos Ama at mga lugar na nagkaroon ng kagalingan sa sakit ng mga umakyat sa naturang bundok. Itinuturing ang bundok Banahaw bilang bagong Herusalem sa paniniwala ng mga grupong relihiyon at mga sekta na nakatira na mismo sa naturang sagradong bundok.
Bagaman, hindi ko pa napupuntahan ang mga puestos sa mataas na lugar ng bundok ay masasabi ko namang napakahalaga na sa akin ang maramdaman ko ang kakaibang lamig ng tubig sa Sta. Lucia Falls na ayon sa mga pator dun o guide ay siyang unang-una na dapat na pinupuntahan sa bundok Banahaw bilang pagbibigay pugay, paghingi ng pahintulot at paglilinis sa sarili bago magtungo sa mas mataas na bahagi ng sagradong bundok.
Marami na ang mga nagbigay ng kanilang testimonya na sa Sta Lucia falls ay gumaling sila sa kanilang karamdaman, ang iba naman ay nagkaroon ng kaluwagan sa kanilang sarili dahil sa nahugasan sila sa kanilang kasalanan habang ang iba naman ay nakakita ng mga kababalaghan tulad ng biglang paglitaw ng maliliit na bahaghari at kakaibang mga ibon, kulisap at sa mga itinuturing na sensitibong tao o psychic ay normal na silang nakakakita ng mga espiritu tulad ng mga duwende, lambana, diwata at maging mga espiritu ng katubigan na kilala sa pangalang sirena.
Sa katunayan kahit saan mang puesto ng Banahaw ka mapunta ay marami kang mararanasan na kababalaghan, may ibang bigla na lamang nakakatanggap ng mga mensahe mula sa mga espiritu ng sagradong bundok tulad na lamang ng inyong lingkod sa pakikipag-ugnayan ng isang bumabang kinatawan ng mga ekstra-terestriyal. Ang kanyang mensahe ay saka ko na lamang ibabahagi sa mga susunod na labas ng aking artikulo dahil sa merong mahalagang mensahe patungkol kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Abangan po ninyo sa susunod na labas ng aking artikulo ang mensahe mula sa mga nilalang ng star system Orion kung ano ang kanilang layunin ng pananatili sa planetang ito, maging ng kanilang patuloy na ugnayan sa mga espiritu ng kalikasan sa bundok Banahaw at ang kanilang nais na ibahaging mensahe sa tao.
Sa susunod na edisyon ng aking palatuntunang Misteryo sa dzrh, mula 5:30 hanggang alas-6 ng gabi ay sisikapin nating maka-ugnayan ang aking mga nakasama sa pagtungo sa bundok Banahaw at kung ano ang kanilang naging karanasan.