Dalaga, Ineksperimento ng ET

Imbitasyon ba o sapilitang kinuha ng mga ET? Karaniwan itong tinatawag na “alien abduction” Ano ba ito? Ito ba ay totoong nangyari o guni-guni ng isang tao? Sa mga taong wala pang ganitong karanasan ay sasabihin na ilusyon lamang ito ng isang tao na marahil ay matindi ang pagkatakot sa mga kakaibang nilalang.

Ngunit lingid sa ating kaalaman, ang ganitong mga insidente ay sumasailalim sa masusing imbestigasyon ng ibat-ibang grupo sa Estados Unidos at sa iba pang mga bansa na naniniwala na ang mga Ekstra-Terestriyal ay narito sa ating planeta para unti-untiin nila tayong sakupin, o kaya ay gunawin ang planeta, o kaya ay iligtas ang ating planeta mula sa tuluyang pagkagunaw o pagkasira.

Isa sa mga kababayan natin ang biglang nagpadala ng mensahe sa akin matapos niyang mabasa ang aking artikulo tungkol sa mga ET at UFO na hindi pa rin katanggap-tanggap sa tao.

Ayon sa isang nagpakilalang Mae, siya daw ay kinuha ng mga ET at ineksperimento sa kanilang sasakyan. Narito ang kanyang mensahe sa inyong lingkod sa pamamagitan ng text. “Hi isa po ako sa naka-experience ng tungkol sa ekstra-terestriyal. My name is Mae, 24 years old. Kinuha me ng kanilang spaceship when I was about to sleep. Then pinag-aralan nila ang buong body ko sa like emergency room and then may inilagay sila sa loob ng body ko na its like metal and sinabi nila na on the right time sasakupin nila ang earth.”

Sa mensahe ni Mae, hindi lang naging malinaw kung siya ba ay kinuha ng pisikal o ang kanyang astral body. Dahil karaniwan ng mga alien abductee batay sa talaan ng mga paranormal group sa ibang bansa ay pisikal ang pagkakakuha sa kanila ng naturang mga nilalang.

Ngunit dito sa Pilipinas batay sa aking sariling pananaliksik at karanasan, ang astral body o ang espirtwal na bahagi ng ating katauhan ang kinukuha ng mga ET dahil sa katotohanang ang mga nilalang na ito ay hindi naman talaga pisikal bagkus ay kalahating pisikal at espirtiwal.

Ang maituturing na kauna-unahang dokumentadong alien abduction ay ang naging karanasan ng mag-asawang Betty at Barney Hill noong Setyembre 1961 nang sila ay makakita ng UFO, sinundan nila ngunit nabigla sila nang lapitan sila ng kakaibang sasakyang pangkalawakan at tamaan sila ng liwanag.

May mga ibang kaso na bumaba pa sa harapan nila ang mga ET para sila ay sapilitang kunin sa kabila ng pagmamaka-awa ng kanilang mga biktima.

Ngunit, ang paksang ito ay patuloy na pinagdedebatehan ng ibat-ibang grupo sa larangan ng UFOlogy, dahil hindi lahat ng mga taong sumama sa mga ET ay sapilitang kinuha bagkus ay karamihan sa mga ito ay tumugon lamang sa imbitasyon ng naturang mga nilalang.

Bagaman dito sa Pilipinas ay walang mga dokumentadong naitala ng alien abduction, may mga ilan tayong nakilala na sila man ay naka-ugnayan ng ganitong mga nilalang ngunit karamihan, sila ay inimbitahan, samantalang ang iba naman ay sapilitang kinuha hindi ang pisikal na katawan kundi ang espiritwal o astral body.

Sa kaso ng isang Nelia Reyes ng Mandaluyong City, nagpakita sa kanyang panaginip ang mga nilalang na ito at inimbitahan siyang sumakay sa kanilang sasakyang pangkalawakan o spaceship at ipinakita lahat sa kanya ang kanilang mga aktibidades.

Hindi naman naranasan ni Nelia ang naibahagi sa atin ni Mae na dinala sa isang animoy operating room at kung anong eksperimento ang ginawa sa katawan o kaya sa kanyang astral body.

Isang bata naman na edad na walong taon mula sa Malabon ang nagsabi sa akin na siya ay kinaibigan ng mga ET sa kanyang panaginip at dinala siya sa kanilang sasakyan ngunit hindi para eksperimentuhin kundi turuan ng kanilang mga karunungan.

Sa katunayan ay ipinakita pa niya sa akin ang kanyang mga ginuhit na hitsura ng kanyang mga nakitang ET at kanilang mga sasakyan.

Ipinagtapat din ng batang ito na itago natin sa pangalang Marte na naging kalaro pa niya sa kanyang panaginip ang mga batang ET na umanoy naging mabait sa kanya.

Isang dalaga naman sa pangalang Rose, 20 taong gulang, ang nagsabing inimbitahan siya ng mga nilalang na ito at ipinasyal siya sa kanilang daigdig na para sa kanya ay sobrang makabago o moderno ang teknolohiya na hindi pa naaabot ng tao.

Ang inyong lingkod ay nagkaroon din ng pagkakataon na nagpakita sila sa aking panaginip at ipinagtapat nila kung ano ang kanilang layunin sa pakikipag-usap sa mga tao, pisikal man, sa isip man o sa espiritwal.

Kung bakit kadalasan sa panaginip sila maaaring magpakita, dahil sa ito ang pagkakataon na madali natin silang pakinggan hindi tulad kapag gising ang ating buong katawan. Ang diwa natin pag natutulog ay mas aktibo dahil sa nagpapahinga ang pisikal nating katawan.