Ang buhay natin ay talagang nababalot ng hiwaga at marami tayong dapat na malaman habang patuloy ang pag-inog ng ating mundo. Maraming mga karanasan ang hindi natin basta maipaliwanag maliban lamang kung ang ating isipan ay bukas sa ganitong mga kaganapan.
Marami ang nagsasabi na ang lahat ng ganitong mga karanasan at kaganapan ay katotohanan ngunit ibat-ibang interpretasyon ang maaaring maisaisip depende sa kundisyon ng kanyang paniniwala, pananampalayata at kundisyon ng kaisipan.
Mga karanasan tulad ng paglabas ng katawan o astral travel, pagkakita sa mga multo at iba pang espiritu, at ang patuloy na proseso ng kapanganakan o kilala bilang reinkarnasyon para maabot ang pagiging divine being at bumalik sa Diyos.
Isang araw, isang kaibigan ang lumapit sa akin at nagtatanong kung may posibilidad ba na ang isang anghel ay maaaring maging tao alinsunod sa proseso ng muling pagkapanganak bilang tao.
Meron umano siyang isang kaibigan na nagtataka rin sa kanyang sarili kung bakit mula’t mula pa ay parang nararamdaman niyang isa siyang anghel ngunit mahirap paniwalaan dahil sa imposible umano itong mangyari lalu na at ang mga anghel bilang mensahero o tagapaghatid ng mensahe mula sa Diyos ay puro ang kanilang taglay na espiritu.
Ngunit isang araw umano, ay inimbitahan siya ng kanyang kaibigan na tignan ang tunay niyang anyo, at laking gulat nito nang tumambad sa kanyang harapan ang nagniningning na hugis ng isang anghel sa katauhan ng kanyang kaibigan.
Bagaman, nagulat at hindi kaagad naka-imik ay sinikap ng kaibigan na tanungin kung ito ba ay may ibang espiritu sa kanyang katawan o wala, at ang naging kasagutan ay wala siyang sanib, at ang kanyang nakikita ay totoo.
Ano ba ang nakita ng kaibigan kong ito sa kanyang kaibigan? Mahirap paniwalaan nang tumayo sa kanyang harapan ang kanyang kaibigan ay nakita niya itong may pakpak ng tulad ng sa mga anghel.
Sinikap niyang titigan ng husto at pinagalaw ito ng ilang ulit sa kanyang pagkakatayo maging ang balikat nito, laking gulat pa rin at hindi makapaniwala ang aking kaibigan na merong anghel na nakatayo sa kanyang harapan.
Kitang-kita ng kanyang mga mata kung paano umaayon sa bawat galaw ng kanyang kaibigan ang nagniningning na kulay puting pakpak sa kanyang gawing likuran at may anino itong maningning ng isang anghel na umanoy tunay niyang katauhan.
Ilang beses niya itong inunat palabas at kitang kita ang malapad at mahabang pakpak at nang itiklop ay kita rin sa gawing likuran ang maayos na pagkakatiklop nito tulad ng mga larawan o rebulto ng mga anghel na nakikita nitong nakapatayo ang pagkakaayos ng kanilang mga pakpak.
Napaluha pa ng bahagya ang kaibigan kong ito nang makita niya ang tunay na katauhan ng kanyang kaibigan at halos hindi siya makakibo sa kanyang nasaksihan, ngunit may katanungan sa kanyang isipan na posible bang maging tao ang isang anghel?
Maging ang kanyang kaibigan ay nagtatanong din dahil para sa kanya maituturing pa rin niyang isa lamang siyang ordinaryong tao kahit na may nakikita sa kanyang anino ng isang anghel at nararamdaman niya ang aniya’y kanyang mga pakpak.
Nang tanungin ko tungkol dito si Professor Jimmy Licauco ng Inner Mind Development Institute, na sa kanyang pagkaka-alam pinayagan ng Diyos na maging tao ang anghel na si Metatron na sa pagkakaintindi niya ay si Enoch para sa mahalagang misyon sa daigdig ng mga tao.
Nagtanong din ako sa iba pang nasa larangan ng paranormal at psychic phenomena at halos iisa ang kanilang kasagutan na posible ngang maging tao ang mga anghel dahil sila man ay may pagkakataon na sumailalim sa tinatawag na “soul evolution.”
Ayon kay Daisy Martinez, isang psychic counselor, umiiral ang exception kesa sa patakaran at ang mga anghel ay maaaring mag-evolve o sumailalim sa ebolusyon sa pamamagitan ng pagganap ng kanilang tungkulin bilang tao.
Sa panig naman ni Cora Guidote, isa ring psychic counselor, inihayag nito na ang pagiging tao ng mga anghel ay bahagi ng ebolusyon ng espiritu. Ang mga tao ay merong kalayaan na mamili samantalang ang mga anghel ay walang ganung kalayaan, kung kayat ang pagiging tao ng isang anghel ay maituturing na isang napakahalagang pagkakataon para sa kanya.
Sa aking personal na pananaw tungkol dito, kung ang mga anghel nga ay naghahangad na maging tao para maabot ang tinatawag na ebolusyon ng espiritu, dapat sanang ganito rin ang lagi nating isaisip bilang mga tao lalu na at maituturing kong mas maswerte tayo dahil sa napakagandang pagkakataon na ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Diyos na makabalik sa kanyang kaharian.
Kung kayo po ang tatanungin ko, naniniwala ba kayong mga anghel man ay may pagkakataon din na maging tao? Kung oo ang inyong sagot, Bakit?