Mga Abusadong Pari, Dapat Parusahan

Tila isang bangungot sa hanay ng mga mananampalataya sa relihiyong Katoliko ang paulit-ulit na lamang na mga kaso ng pang-aabusong seksuwal ng mga Paring Katoliko.

Pinakahuli sa mga ito ay ang ginawang pag-molestiya ng isang Father Benjamin Zozobrado Ejares sa dalawampung kabataang babaeng estudyante ng Abellana National School sa Cebu City.

Sa katunayan, nahaharap ngayon sa kasong Child Abuse at Acts of Lasciviousness si Fr. Ejares, limang buwan matapos na magawa ni “father” ang pang-aabusong seksuwal ng molestiyahin nito ang 20 kabataan.

Heto ang pangyayari: Sa affidavit ng pito sa mga bata na isinumite sa National Bureau of Investigation (NBI), noong Nobyembre 14, 2006 nangumpisal sila bilang bahagi ng kanilang Life and Spirit Seminar ngunit laking gulat, takot at umiyak ang mga batang babae nang sila ay minolestiya ni father Ben.

Nabatid na ang kanilang pangungumpisal ay kaiba sa nakagawian sa loob ng simbahan na dapat ay nasa kumpisalan na kaharap mo ang pari ngunit may pagitan na maliit na bintana na merong screen at naaninag mo lang ang alagad ng simbahan sa kabila.

Sa halip na kaharap sa kumpisalan ay katabi ng mga batang-estudyante si father Ben at ito ang sinamantala ng manyakis na pari. Malikot ang kamay ng pari, inakbayan ang mga estudyante, hinawakan ang kanilang braso, siko at pinitikpitik ang kanilang bra. Habang ginagawa ang kalaswaan sa mga estudyante ay tinatanong pa ang mga ito kung meron na silang boyfriend at hinimok pa ang mga ito na makipag-date sa kanya.

Bilang isang Katoliko, wala akong hangarin na sirain ang paniniwalang Katoliko bagkus ay masakit ang epekto nito bilang isang mananampalataya lalu na at hindi ko na masikmura ang ganitong pang-aabuso ng ilang mala-demonyong pari na sa kabila ng kanilang abitong suot sa kanilang pagmimisa ay pawang kabastusan ang nasa isipan at nadadarang sa init ng kanilang katawan.

May ang katwiran pa ang ilang kakampi ng mga “bastos” na paring tulad nito na tao rin sila na may mga pagkakataong natutukso. Ang sagot ko naman, eh bakit pa sila pumasok sa pagkapari kung ganun lang ang kanilang gagawin samantalang alam naman nilang alisunod sa sinusunod nilang Canon Law ay meron silang tinatawag na “vow of celibacy”, ang kautusan na hindi dapat nasasangkot sa anumang seksuwal na aktibidad ang kaparian.

Ilang pari na ba ang nasangkot sa ganitong kahalintulad na “kasalanan” sa kautusan ng Simbahang Katoliko? Hindi lang isa, dalawa, tatlo kundi daan daan, o kaya ay libu-libo na. Bakit di na lang aminin ng simbahan na malala na ang ganitong sitwasyon na sangkot ang mga pari at hindi yung pagtatakpan ang ganitong uri ng usapin.

Bagaman, sinasabing nagpataw daw ng kaparusahan ang Simbahang Katoliko sa mga abusadong pari, ang tanong meron bang paring nakulong dahil sa ginawa nila? Karaniwan nang pinapaalis sa isang lugar ang isang pari at hindi muna pinapayagang makapag-misa habang sinisiyasat ang kasong kinasangkutan – ngunit ang imbestigasyon sa hanay ng simbahan ay ginagawang sikreto.

Nasaan na ang saysay ng nilagdaang kasunduan ng Vatican nang ratipikahan nito ang Convention on the Rights of the Child noong Setyembre 1990 at ang Optional Protocol to the Convention on the Rights on the Sale of Children, Child Prostitution and Child Pornography noong Oktubre 24 2001, kung hindi nito kayang bigyan ng proteksiyon ang mga kabataan laban sa mga abusado, at pedopilyang pari?

Sa aklat na sinulat ni Armando Ang na may pamagat na The Darkside of Catholicism, lumabas sa maraming survey na 4,450 ng 110, 000 ng mga paring-Romano Katoliko ang nasangkot sa pag-molestiya ng mga menor de edad mula taong 1950 hanggang 2002. Ang ganitong bilang ng mga paring sangkot sa pang-aabusong seksuwal ay kokonti sa katotohanang mas marami pa ang mga kasong hindi nai-report sa mga kinauukulan at sa tinatawag na “confidential washing.”

Bahagi ng tinatawag na “silent conspiracy” para maitago ang pang-aabuso ng mga pari ay ang pagsasailalim ang mga ito sa “mental reservation”, umanoy pagkakataon ng mga inirereklamong pari na magsinungaling under oath para umanoy protektahan ang simbahan laban sa kahihiyan. Ang doktrina ng mental reservation ay pinapayagan ang mga pari na wag magsasabi ng buong katotohanan sa ilang pagkakataon para maiwasan ang matinding iskandalo at para pagtakpan ang nagawang pang-aabuso ng isang pari. Isa umanong halimbawa ng mental reservation ay isang kaso ng pari na hindi naman talaga nagkaroon ng pakikipagniig sa biktima dahil sa hindi naman nito naabot ang climax o orgasmo. Tinatawag din itong “reserved embrace”. Karaniwan nang ginagamit ang mga teknikal na katagang teyolohika lalu na ang latin para mailigaw ang publiko.

Bilang isang Katoliko, ang tanging apela ko lamang sa Simbahan, tanggapin na natin ang katotohanan na meron tayong problema sa loob na dapat na lutasin at wag pagtakpan. Kung sa akala natin na hindi na uubra sa ngayon ang vow of celibacy eh di gumawa tayo ng paraan na alisin na lamang ito at payagan ang mga pari na magsipag-asawa ngunit kailangan pa ring disiplinahin para maiwasan ang sexual abuse lalu na sa mga kabatang babae at lalaki. Pangalagaan naman sana natin ang kapakanan ng marami kesa ng iilang alagad ng Simbahan na umaabuso sa kanilang tungkulin.