Bilang isang mananaliksik ay gusto kong busisiin ang mga di-pangkaraniwang pangyayari tulad na lamang ng masasabi kong abnormal na biglang paglaki ng alon na sumira sa daan-daang kabahayan sa baybayin ng Occidental Mindoro, at tumama din sa mga dalampasigan ng Batangas at Cavite noong Oktubre 2, 2007.
Bagaman itinuturing ng mga kinauukulan na isang natural na pangyayari dulot ng kalikasan ang biglang pagtaas ng alon sa karagatan nung gabi ng Lunes, meron namang teyorya na posibleng merong kakaibang dahilan kung bakit ito nangyari – at ito nga ay posibleng pagbagsak ng Unidentified Flying Object o UFO.
Lingid sa ating kaalaman, di maiwasang mangyari ang ganitong insidente ng pagbagsak ng mga UFO sanhi ng manaka-nakang labanan sa dimensiyon ng mga ekstra-terestriyal.
Bagaman, may ganitong teyorya, minabuti nating makuha ang paliwanag ng mga siyentista tungkol dito at sinabi nila na ang biglang pagtaas ng alon ay dulot ng tinawag nilang “storm surge” o ang nagsalubong na pwersa ng bagyong Hannah at ang banta ng sama ng panahon ng bagyong Ineng.
Ngunit kung natural lamang na resulta ng sama ng panahon ang biglang paglaki ng alon ay nagtataka ang mga residenteng apektado sanhi ng wala namang malakas na bayo ng hangin o buhos ng ulan nang ito ay nangyari.
Madaming kabahayan sa Sta. Cruz, Occidental Mindoro ang nawasak nang salpukin ng malalaking alon mula sa karagatan na nakaapekto rin sa mga baybaying dagat sa Mamburao at mga karatig lugar, maging sa mga lugar sa mga lalawigan ng Batangas at Cavite.
Lubhang nagtataka ang mga residente kung bakit biglang tumaas ang alon samantalang wala namang nangyaring paglindol sa karagatan o di man kaya ay babala ng tsunami sa karagatan.
Ilan sa mga natanong kong mga sensitibong tao (psychics) at channels ang nagsabing posibleng may bumagsak nang kung anung bagay sa dagat na lumikha ng biglang paglaki ng alon, ngunit hindi rin ako agad naniniwala dito dahil sa kailangan ko pang suriing mabuti ang tunay na nangyari.
Bagaman, siyempre bilang isang ordinaryong mamamayan at hindi ko naman itinuturing ang sarili ko bilang otorisado na magdeklara ng anuman tungkol sa nangyari, ngunit alinsunod sa aking nakalap na impormasyon, maaaring UFO ang bumagsak sa bahaging iyon ng South China Sea malapit sa baybayin ng Occidental Mindoro, Cavite at Batangas.
Isang psychic na si Joyce ng Laguna ang natanong ko tungkol dito at ganito ang kanyang nakita nang sinikap niyang i-focus o remote viewing ang bahaging yun ng karagatan.
“Malakas ang current ng tubig pababa sa ilalim ng dagat. May kung anong pabilog na bagay ang nakita ko na parang yun ang cause ng current. Yun ang bumaba sa ilalim kaya nagkaroon ng current. May nakita akong parang ipu-ipo under the sea lagpas pa sa sea mantle sa pinakailalim ng lupa ng dagat dun pababa. Ipu-ipo palagay ko yung UFO ang nilamon ng dagat. Malaki. Bandehado ang shape ng UFO. Hindi ko lang masyado makita, madilim ng makita ko ang antenna. Nakita ko lang maliit na ng lamunin ng dagat”
Kung inyong matatandaan, noong Enero 23, 2004 meron ding katulad na phenomenon ang nangyari sa karagatan na tumama sa baybayin ng La Union, kung saan nasa 194 na mga mangingisda sakay ng kani-kanilang mga bangka ang hinampas ng malalaki at malakas na alon at napadpad sila sa mga dalampasigan ng Pangasinan at ang iba ay sa lalawigan ng Ilocos Sur.
Pareho din ang naging paliwanag tungkol dito ng PAG-ASA sa phenomenon na nangyari sa Mindoro na ang malalaking alon ay sanhi ng masamang kalagayan ng panahon na ang eksaktong pagkakasabi ay “north east monsoon na pinalakas pa ng tail end ng cold front na nakaapekto sa naturang lugar.”
Ngayon, hindi ko sinasabing totoo ang nakita ng psychic sa pagbagsak at paglubog ng UFO sa gawing yun ng Mindoro na nagresulta sa malalaking alon ngunit mainam na maging bukas ang ating isipan, at meron naman tayong kalayaan na alamin ang katotohanan tungkol dito lalu na kapag di kayo kumbinsido sa paliwanag ng mga siyentista.