Totoo Ba ang ET at UFO?

Mula nang isulat ko ang mga artikulo ko tungkol sa Planetang Serpo na umanoy pinagdalhan sa labindalawang tao bilang bahagi ng palitan ng mga impormasyon ng mga Ekstra-Terestriyal at Estados Unidos, marami pa rin sa ating mga kababayan kung totoo nga bang merong ET.

Tulad ng aking mga naunang sinulat, talagang mahirap paniwalaan sa ngayon ang ganitong katotohanan dahil sa una – hindi natin sila nakikita sa pangkaraniwan; pangalawa – wala pang lumalantad na ET na nagsasabing siya ay taga-ibang planeta at talagang sinadyang magtungo dito sa ating planeta para sa mahalagang misyon; pangatlo – mismong mga makapangyarihang gobyerno sa buong mundo tulad ng Amerika ay ayaw aminin na meron talagang mga ET sa kabila ng mga tsismis na noon pa man 1947 ay meron nang ugnayan ang tao sa mga nilalang na ito.

Kung ebidensiya ang hahanapin, marami nang UFO sightings ang naganap sa ibat-ibang panig ng daigdig, maging dito sa Pilipinas ay laganap na rin ang pagpapakita ng Unidentified Flying Object, ngunit sa kabila nito ay marami pa rin ang ayaw maniwala o tumatangging paniwalaan ang mga ito.

Noong una tulad ng karamihan ay duda rin ako kung totoong may mga ET at UFO, hanggang sa sandaling mismong ako ay nakaranas ng kanilang presensya mula sa panaginip hanggang sa mismong pisikal.

Karaniwan silang nagpapakita sa panaginip para hindi ka agad matakot dahil sa karamihan sa kanila ay kakaiba ang hitsura, malayo sa tunay na anyo ng mga tao. Ngunit may mga pagkakataon na nagpapakita sila sa pisikal tulad na lamang ng naging karanasan ng mga kabataan sa lalawigan ng Leyte ilang taon na ang lumipas.

Tanong ni Allan ng Batangas: Totoo po ba talagang may ET? At kung meron bakit kailangan pang pagtakpan nila? Anong dahilan? Bakit hindi nila ihayag sa tao ang totoo? May napanood ako isang araw tungkol dun sa bata na kinunan ng larawan ang kanyang sarili tapos may nakita sa picture na parang ET. Sabi naman e sadya lang daw yun sa kamera yun. Pero ako naniniwala na may ET kasi hindi lang naman Earth ang planet natin e.
RS: Sa tanong mo na kung totoong may ET, ayaw kitang pilitin kung ayaw mo paniwalaan ngunit tanong din ang sagot ko sa iyong tanong. “Ano ba ang pangunahing layunin kung bakit nilalang ng Panginoong Diyos ang milyun-milyun kundi man bilyun-bilyung planeta at mga bituin sa buong kalawakan, kung tayong mga tao lamang sa planetang Earth ang siya lamang buhay na nilalang ng Diyos?” Kung bakit pinagtatakpan, mahirap magsalita ng tapos at wala tayong eksaktong alam na dahilan kung bakit. Tulad na lamang ng umanoy patuloy na pagtatago tungkol dito ng Amerika,

lumabas ang mga haka-haka na ginagawa ito ng US para masarili lamang ang mga makabagong teknolohiya ng mga kakaibang nilalang. Tungkol sa pagpapakita kapag kinunan ng larawan – ako man ay merong larawan na may nagpakitang ET sa aking digital picture, karaniwan na itong nangyayari ngayon. Sa kinunan kong larawan ay mismong isang eksperto sa photography ang nagsabi at kumbinsidong totoong merong ibang nilalang ang lumitaw sa larawan at yun ay makikita niyo sa aking website: http://misteryolohika.tripod.com.

Texter # 09287836674: Nabasa ko po yung article niyo tungkol sa UFO. Tanong ko po kung totoo yung ET at flying saucer. Paano naman po nalaman yung planet Serpo at yung Zeta Reticuli Star System.
RS: Katulad din ng mga katanungan ng marami kung totoo ang mga ET at UFO. Sana ito ang sagutin po ninyo mga giliw naming kababayan. “Handa niyo bang tanggapin ang katotohanan na merong mga nilalang sa ibang planeta? Kaya ba ninyong tanggapin ang katotohanan na ang mga ET na ito ay mas nauna pa sa atin sa planetang ito, mula noon hanggang ngayon ay patuloy pa rin silang tumutulong sa tao. Yung tungkol sa planetang Serpo at Zeta Reticuli Star System ay matagal nang alam yan ng tao ngunit kamakailan lamang inilabas ang mga detalye tungkol sa planet Serpo. Sa planetang ito nagpadala ng 12 kataong siyentista at mga eksperto ang bansang Amerika kapalit ng mga detalye ng kanilang teknolohiya at mga kaalaman. Batay sa website na http://www.serpo.org/release1.asp tumagal ng sampung taon ang palitan ng mga impormasyon sa pagitan ng mga ET at US, ngunit lahat ng mga taong nagtungo at tumira sa planetang Serpo ay nangamatay din sanhi ng masamang epekto sa kanilang katawan ng klima sa naturang planeta.

Ram Mellida, Mariveles, Bataan (09108231501): Totoo po ba talaga ang ET. That’s what I read in Balita.
RS: Ang tao para maniwala ay kailangan muna niyang makita. Ngunit ang masaklap nito, kahit nakikita na ayaw pa rin paniwalaan ng tao. Ilang beses na bang may mga nagpakitang ET at UFO sa buong planetang ito? Maraming beses na ngunit ayaw pa ring paniwalaan. Kung kayo ang mga nilalang na ito, ano ang inyong mararamdaman? Marahil sinasabi nilang masyado tayong makulit ngunit wala namang patutunguhan ang ating kakulitan.

Ang mga ET at UFO ay sa aking palagay ay mga totoong nilalang at sasakyan ng mga nilalang sa ibang planeta. Sa katunayan, marami sa mga ito ay nakatira na dito sa ating planeta mula pa noong mga sinaunang panahon kung kayat wala tayong karapatan na sabihin na tayo lamang ang nilalang dito.