Matagal nang nababalita ang tungkol sa pagpapakita ng mga kakaibang sasakyang pangkalawakan na kilala sa tawag nating UFO o Unidentified Flying Object, ngunit sa kabila ng mga ebidensiyang may kaugnayan dito tulad ng mga nakunan ng larawan at video ay bakit mahirap pa ring paniwalaan ito ng tao?Ako man ay nagtatanong tungkol dito kaya’t minabuti ko ring magtanong sa iba kung bakit ganito ang takbo ng kaisipan ng tao, at ang mga sagot sa akin ay – “nasaan ang ebidensiya”, “gusto ko silang makita”, “totoo ba sila?”, at ang matinding naging sagot sa akin ng iba ay “nakakatakot sila”, sa paniniwalang ang mga nilalang na ito ay may planong sakupin ang buong planeta at patayin ang lahi ng tao.
Para sa aking pansariling pananaw, ang ganitong mga sagot ay resulta ng mga negatibong pahayag ng mga otoridad tungkol sa mga itinuturing nating kakaibang nilalang o kilala sa tawag na mga Ekstra-Terestriyal, sa hangarin ng mga pamahalaan na itago ang katotohanan tungkol sa kanila tulad halimbawa ng Roswell Crash, ang sikreto ng Area 51, dagdag pa rito ang mga masasamang impormasyon laban sa mga UFO/ ET na kesyo ang mga ito ay nangunguha ng tao para gawin nilang eksperimento.
Isipin po ninyo, karamihan sa ngayon ay nagsasabing maniniwala lamang sila kung may nakita sila – “to see is to believe”, ngunit nariyan na lahat ng ebidensiya ay hindi pa rin paniwalaan.
Sa palagay ko, hindi tamang ang itanong sa tao kung naniniwala ba tayo sa mga UFO o hindi, ang naisip kong angkop na tanong para dito ay “handa ba natin silang tanggapin sa ating buhay kapag dumating ang panahon na sabay-sabay na silang nagpakita sa atin saanmang panig ng mundo, anumang oras?”
Kung naging makatotohanan lamang sana ang mga balita tungkol sa pagpapakita ng mga nilalang na ito, disin sana ay halos tanggap na ng tao ngayon ang kanilang presensiya.
Sa ngayon, maniniwala lamang ang isang tao kapag personal siyang nagkaroon ng karanasan sa mga nilalang na ito, ngunit kung hindi sapat ang kaalaman tungkol dito ay maaaring magresulta sa pagkabaliw ang isang tao na dumanas nito lalu na kapag walang nagpaliwanag sa kanila tungkol sa kanilang naging karanasan.
Ang isa pang masaklap na katotohanan, kapag ang isang tao ay may kaugnayan sa ganitong uri ng nilalang, ay hindi maiwasang bahain ito ng todo-pintas ng ibang tao na hindi naniniwala sa katotohanan tungkol sa mga ET at UFO.
Ang inyong lingkod ay ilang beses na ring dumanas ng masasakit na salita tulad ng “baliw”, “luku-luko”, “weirdo”, “demonyo”, “naliligaw ng landas” at iba pang pang-aalipusta lalu na mula sa mga taong ang tingin nila sa kanilang sarili ay nasa tamang landas daw ng buhay kesyo sila daw ay miyembro ng born-again Christian o ang kanilang sektang kinaaaniban ay tanging makaliligtas sa panahon na nagbalik na sa lupang ibabaw ang Panginoong Hesukristo o ang tinatawag na “Second Coming”.
Ang ganitong masasamang salita o hatol ng tao sa isang tulad ng inyong lingkod ay bukas puso kong tinanggap at minabuti kong hindi na lamang patulan, hindi dahil sa ayaw kong lumaki ang usapan o mauwi sa matinding debate na nagsisiraan, tulad ng ginagawa ng magkakalabang sekta ngayon, kundi ang tanging iniisip ko lamang ay may mga taong talagang sarado pa ang kanilang kaisipan sa ganitong mga impormasyon o paniniwala at balang araw ay maiisip din nilang mali sila ng paghusga sa kapwa.
Nais kung linawin dito na wala akong tinututulang relihiyon o sekta o anumang samahan na inyong kursunadang aniban dahil para sa akin ang lahat ng organisasyong espiritwal ay may mabuting layunin para makatulong sa espiritwal na pangangailangan ng tao.
Ang aking panawagan lamang dito ay matutuhan natin buksan ang ating isipan sa mga samut-saring impormasyon na ating naririnig, nababasa, o nakikita sa pang-araw-araw nating buhay, kahit na ito man ay kakaiba sa ating paniniwala, at wag nating isasara ang.ating pintuan sa mga kakaibang balita sa ating kapaligiran.
Ngayon, sa kabila ng marami ang ayaw pa ring tanggapin ang katotohanan tungkol sa mga UFO, ET at iba pang paksa na maituturing na paranormal sa kaisipan ng tao, ay hindi pa rin titigil ang mga nilalang na ito na magpakita ng mga ebidensiya na sila nga ay nasa ating paligid, at nais sabihin sa tao na “hindi kayo nag-iisa sa mundong ito dahil maging kami man ay nilalang din ng Diyos”.
Harinawa ang mga pamahalaan na merong kakayanan na gumawa ng pagsisiyasat sa ganitong mga kaganapan ay magsabi ng totoo, at hindi yaong ililigaw ang kaisipan ng tao tulad ng ginawa ng Amerika sa Roswell, Mexico noong July 1947.
Nakakalungkot isipin na maging ang media sa ngayon ay hindi basta-basta pinapatulan ang ganitong mga balita dahil sa kundisyon ng kaisipan na ang paranormal ay hindi angkop na basta na lamang ibalita, at ang mas binibigyan ng halaga ay ang magulong buhay ng tao sa larangan ng pulitika, at bangayan ng magkakalabang grupo.