Tulad ng sinulat kong artikulo tungkol sa Planetang Serpo, dinagsa ako ng mga katanungan tungkol sa Roswell UFO Crash na nangyari noong Hulyo taong 1947 kung ito nga ba ay totoo o hindi.
Batay sa salaysay ng mga taong mismong nakakita sa mga debris o pira-pirasong bahagi ng bumagsak na sasakyang pangkalawakan ng mga Ekstra-Terestriyal (ET), maituturing na totoo ngang nangyari ang naturang insidente, limamput-siyam na taon na ang lumipas.
Bukod sa mga taong personal na nakakita sa crash site o lugar na kinabagsakan ng UFO malapit sa Corona, New Mexico, sa salaysay ng isang opisyal ng militar ng Estados Unidos tungkol sa US-Zeta Reticuli Exchange Program noong 1965, kinukumpirma nito batay sa nakita mga dokumento sa Intelligence ng Amerika, na totoong may bumagsak na spaceship noong 1947, hindi lamang isa kundi dalawang spaceship bagaman ang huling insidente ay natuklasan lamang noong 1949.
Sa website na Serpo. Org, isang ET na tinawag noon sa pangalang EBE o Extraterrestrial Biological Entity ay nakitang nagtatago sa isang malaking tipak ng bato sa lugar na kinabagsakan ng sasakyang pangkalawakan. Binigyan siya ng tubig ngunit tumanggi naman itong kumain, at dinala sa Los Alamos.
Ang EBE na ito ay napag-alaman na nagmula nga sa planetang Serpo, isa sa anim na planeta ng Zeta Reticuli Star System, nasa layong 39 light years mula sa planetang Earth.
Ngunit paano ba pinagtakpan ng mga otoridad ng Estados Unidos ang naturang insidente? At ano nga ba ang motibo ng ganitong hakbang ng pamahalaang Amerika ng mga panahong yun.
Hapon ng Hulyo 8, 1947, tinawagan ni General Clemence McMullen na noon ay nasa Washington si Colonel Thomas Dubose na nakabase naman sa Fort Worth, at maging si General Roger Ramey ng Eight Air Force Command. Ipinag-utos ni McMullen kay Dubose na sabihin kay Ramey na baligtarin ang nauna nilang report tungkol sa natagpuang flying saucer at gumawa ng ibang kuwento para pagtakpan ang tunay na insidente ng UFO Crash, at magpadala ng bahagi ng mga debris o pira-pirasong material ng sasakyang pangkalawakan sa Washington para masuring mabuti.
Kinahapunan ng July 8, 1947, nagpatawag ng press conference si General Ramey sa 8th Air Force headauarters sa Fort Worth at pormal na sinabi na ang bumagsak ay hindi flying saucer kundi isang weather balloon.
Para makumbinsi ang tao lalu na ang mga kagawad ng media, ipinakita pa ni Ramey ang mga bahagi ng bumagsak na weather balloon at hindi mula sa sasakyang pangkalawakan ng mga ET.
Ang ilan sa mga pahayagan na unang naglabas ng bersiyon na flying saucer ang bumagsak sa rantso ng mga Foster ay ang Midwest to the West, Chicago Daily News, the Los Angeles Herald Express, San Francisco Examiner at ang Roswell Daily Record.
Samantalang ang The New York Times, Washington Post at Chicago Tribune dahil sa pang-umaga silang mga pahayagan ay ang cover-up story o ikalawang bersiyon na weather balloon ang kanilang inilabas.
Bahagi umano ng pagtatakip sa tunay na insidente ay ang pagpapakalat ng maraming sundalo kabilang ng MPs o military police sa paligid ng crash site sa rantso ng mga Foster na ang pangunahing tungkulin ay wag pahintulutan ang sinuman na makapasok sa naturang lugar.
Naglunsad ng malawakang paghahanap ang mga sundalo labas sa tinatawag na debris field at sa loob ng dalawang araw, ilang milya ang layo mula sa crash site ay natagpuan ang pangunahing katawan ng bumagsak na flying saucer at isa hanggang dalawang milya ay natagpuan naman ang mga bangkay ng mga namatay na ET na tinaguriang humanoid.
Agad naming isinailalim sa custody o pangangalaga ng military si Mac Brazel na tumagal ng isang linggo, at nakita siya sa mga lansangan ng Roswell na palaging merong bantay na mga sundalo. Lubos na nagtaka ang mga kaibigan ni Brazel dahil sa hindi na sila pinapansin nito at nakakabigla na bumaligtad na ito sa mga nauna niyang sinabi tungkol sa flying saucer.
Ngunit nanindigan si Major Jesse Marcel noong 1979 na hindi weather balloon kundi totoong flying saucer ng mga ET ang bumagsak. Tinataya niyang sumabog muna ang sasakyang pangkalawakan na ito sa himpapawid bago tuluyang bumagsak sa lupa sa napakabilis na pagbulusok nito.
Sa kabila ng mga hakbang ng pamahalaang Amerika na pagtakpan ang lahat tungkol dito ay matatag ang paniniwala ng mga taong personal na nakakita na talagang spaceship o flying saucer ang bumagsak sa Corona, malapit sa Roswell, New Mexico.