Walang Masama sa Da Vinci Code

Katakot-takot na batikos ang inabot ni Dan Brown sa sinulat niyang nobela na “The Da Vinci Code” at lalu pa siyang inupakan nang isapelikula ang kanyang aklat na may katulad ding pamagat.Dismayado ang inyong lingkod nang dumalo ako sa isang misa noong Linggo at matinding pag-alipusta ang ginawa ng pari kay Brown na inihambing sa isang alagad ng kadiliman dahil sa sinulat nitong nobela.

Sa aking pansariling pananaw, ang pari bilang isang alagad ng simbahan na nirerespeto sa isang komunidad o parokya hindi mo dapat alipustahin ng ganun ang isang tao na parang ituring mo na isang hayop at ginawa pa niya ito sa loob ng bahay ng Diyos na dapat ay nakalaan lamang sa panalangin at pagpuri sa Poong Lumikha.

Hindi man lang napag-isip isip ng paring ito na ang layunin ng mga taong magtungo sa simbahan ay para manalangin at busugin ang puso at isipan ng mga espiritwal na mensahe na makatutulong sa buhay ng mamamayan, lalu na at dumalo sa misa ang mga kabataan na nasa murang edad pa ang kanilang kaisipan.

Ang nobela ni Brown na isinapelikula ay punung-puno daw ng kasinungalingan, panlilinlang, pambabastos sa kabanalan ni Hesus at pagyurak sa estado ng Simbahan kung kaya’t hindi dapat na tangkilikin, basahin ang aklat at panoorin ang pelikula.

Dahil dito, minabuti ng inyong lingkod na basahin ang nobela ni Brown at panoorin ang pelikula kung ano nga ba ang mali sa kanyang sinulat at maging ang pagkakagawa sa pelikula.

Unang-una hindi ko kilala ng personal si Brown at hindi rin niya ako kilala, isa rin akong Katoliko, naniniwala ako kung ano ang mga mensahe sa Bibliya, naniniwala rin ako at lubos kong nirerespeto ang Panginoong Hesukristo at may respeto rin ako sa Simbahang Katoliko dahil ako’y naniniwala na ang bawat relihiyon ay merong misyon na dapat gampanan sa mundong ito.

Ngunit sa takbo ng kuwento ni Brown sa kanyang nobela ay masasabi kong wala namang masama at ako’y naniniwala na hindi nito matitinag ang pananampalataya ng isang indibidwal sa ating Panginoong Diyos,at kay Hesus.

Unang-una sa aking personal na pananaw, kumbinsido akong kathang-isip lamang ni Brown ang takbo ng istorya ng kanyang nobela dahil sa ang mga taong binabanggit dito ay hindi totoo at maging ang mga pangyayari sa buong kuwento.

Pangalawa, sa ika-apat na pahina ng kanyang aklat, malinaw namang sinabi ni Brown na ang mga lugar, gusali, dokumento at ritwal ay base sa tunay na pangyayari maging ang mga binabanggit na sikretong organisasyon tulad ng “Priory of Sion” at “Opus Dei”.

Pangatlo, ng aking tignan ang website ni Brown – http://www.danbrown.com/novels/davinci_code/faqs.html, kung saan nakasaad dito ang kanyang mga sagot sa mga tanong tungkol sa kanyang nobela at mga pagkutya sa kanyang ginawa, malinaw niyang sinabi na wala siyang hangarin na siraan ang Kristiyanismo bagkus ay inilatag lamang niya ang kuwento para pag-usapan, pagdebatehan at mismong siya ay nanawagan na wag basta paniwalaan ang bawat salitang kanyang sinulat sa nobela.

Pang-apat, inihayag din ni Brown na ang ideya tungkol sa diumanoy naging relasyon nina Maria Magdalena at Hesukristo ay hindi na bago sa panahong ito dahil sa matagal na itong pinag-uusapan ilang daang taon na ang lumipas base sa mga natuklasang dokumento tungkol dito. Kumbinsido akong tama ang katwiran ni Brown dahil sa totoo namang may mga natuklasang mga sinaunang mga dokumento tulad ng mga nakasulat sa papyrus na mga aklat na sinulat ng mga apostoles sa Nag Hammadi, Egypt; ang Dead Sea Scrolls at kamakailan lang ang katatapos maisalin na Gospel of Judas.

Sa aking pansariling pananaw, tayo bilang isang Kristiyano at may pananalig sa Poong Lumikha ng lahat at kay Hesukristo ay may karapatan na suriin, busisiin, at himay-himayin ang mga detalye sa aklat na The Da Vinci Code at hindi lang yung atin itong isantabi na lamang na hindi natin binabasa.

Kung totoo na nagkaroon nga ng relasyon sina Hesukristo at Maria Magdalena noong mga panahon na iyon, bilang tao wala ba siyang karapatang magmahal, samantalang ang kanyang laging bukambibig sa mga panahon ng kanyang pananatili dito sa lupa ay ang PAG-IBIG.

Mahirap bang tanggapin ang ganong katotohanan? Mahirap bang tanggapin ng isang Kristiyano na si Hesus ay nagka-anak kay Maria Magdalena na ang pangalan ay si Sarah? Mahirap bang tanggapin na si Hesus ay umibig sa isang babae? Mahirap bang tanggapin ng sangka-Kristiyanuhan na naging asawa ni Hesus si Maria Magdalena?

Marahil sa aking sariling pananaw ay mas dapat pa nating hangaan at purihin ang Panginoong Hesukristo sa kanyang ginawa dahil sa ipinakita niya ang kanyang pagmamahal hindi lamang sa kanyang mga tagasunod at sa buong sangkatauhan kundi nagpakita siya ng magandang halimbawa kung paano mahalin ang isang babae na sa pagkakakilala ng karamihan ay isang kalapating mababa ang lipad.