Ano ba ang misteryong bumabalot sa Area 51? Bakit naglabas ng kautusan si President George Bush na panatilihin itong ilihim sa publiko at huwag hayaan ang sinuman na ito ay maimbestigahan.
Batay sa naging testimonya ni Robert “Bob” Lazar, isang imbentor at eksperto sa Pisika (Physics), sa Area 51 ginagawa ang mga pag-aaral, pananaliksik at pagsubok sa mga makabagong teknolihiya na di pa abot ng kaisipan ng tao.
Ang Area 51 na kilala bilang Nellis Air Force Bombing and Gunnery Range ay nasa hilagang-kanluran ng Las Vegas at nakatayo sa Groom Dry Lake – isang lugar na wala sa mapa ng bansang-Amerika.
Ang base-militar na ito ay itinayo noong taong 1954, nagsilbi bilang top-secret site ng Lockheed Aircraft Corporation para sa mas advance na pananaliksik ng amerika sa mga eroplanong pandigma tulad ng F-117 Stealth fighter at malalakas na armas tulad ng electro-magnetic pulse.
Unang ibinunyag ni Lazar ang mga sikreto sa loob ng Area 51 noong 1989 ngunit taong 1994 lamang umamin ang US Air Force na meron ngang ganitong lugar, matapos na ito ay makunan ng litrato ng spy satellite ng Soviet Russia.
Ano nga ba ang nasa loob ng Area 51? Bilang siyentista, sa unang araw ng pagpasok ni Lazar noong Disyembre 1988 ay inakala niyang teknolohiya lamang ng tao ang kanyang pag-aaralan doon.
Taglay ang kanyang 38-level pass o ID, narating nito ang isang lugar sa malalim na bahagi ng Area 51 na kung tawagin ay S-4. Laking gulat ni Lazar nang makita niya ang siyam na mga “flying saucer” na kilalang sasakyang pangkalawakan ng mga Ekstra-Terestriyal.
Ang pangunahing trabaho ni Lazar sa Area 51 ay busisiin at pag-aralang mabuti ang propulsion system o paglipad ng maliliit na mga flying saucer na tinawag sa pangalang “sports model”. Naging saksi pa si Lazar sa aktuwal na paglipad ng mga sasakyang pangkalawakang na nasa 40 talampakan ang diyametro at 15 talampakan ang taas.
Nang pasukin ni Lazar ang isa sa mga sasakyang ito ay laking gulat niya na wala siyang makitang turnilyo o anumang dugtungan sa lahat ng bahagi ng naturang sasakyang pangkalawakan.
Natuklasan ni Lazar na ang nagpapagana sa mga sports model ng flying saucer ay ang anti-matter reactor na ginagatungan naman ng kulay kahel at sobrang bigat na material na kung tawagin ay “Element 115”.
Sa mga susunod na artikulo ko ay ibabahagi ko naman ang mga detalye nang mga natuklasan ni Lazar kung paano napapalipad ang mga flying saucer na sa buong akala natin ay magagawa lamang sa mga pelikula tulad ng Star Wars at Star Trek.
Kamangha-mangha at mahirap paniwalaan ang naging testimonya ni Lazar, ngunit di ko naman kinukumbinsi ang sinuman na ito ay inyong paniwalaan dahil sa may mga taong kumukuwestyun din sa kanyang kredibilidad.
Subalit, ang naging testimonya ni Lazar ay pinatibay ng inilabas na video ng isang German film company noong 1995 na may kuha pa ng mga nangyayari sa S4 sa ilalim ng Area 51 at ang pagpapalipad ng mga UFO sa labas ng base military na kinumpirma naman ni Norio Hayakama ng Nippon TV na nakaantabay sa labas ng kontrobersiyal na lugar.
More about Bob Lazar: http://en.wikipedia.org/wiki/Bob_Lazar