Hikbi, Hagikgik at Kalabit

Ngayong malapit na naman ang paggunita sa Araw ng mga Patay o Undas ay marami na naman sa ating mga kababayan ang nakakaranas ng mga nakapapangilabot na ugnayan sa mga ligaw na kaluluwa o mga sumakabilang buhay.

Isang araw, ilang empleyado ng isang sikat na broadcasting network ang nagkuwento sa akin nang sila ay balutin ng hilakbot at manindig ang kanilang balahibo sa sobang takot sa buong katawan nang makarinig sila ng mga hagulgol, hikbi at hagikgik sa kanilang comfort room.

Masaya silang nagkukuwentuhan nang isa sa kanila ay nagbibiro ng pananakot sa kapwa at kasunod nito ay ang pagkarinig nila ng mga hikbi at hagikgik ng mga bata.

Agad na nagpulasan palabas ng CR ang mga empleyado at halos kapusin ng hininga na nagkuwento ng kanilang naranasan.

Ang lugar ay kilala nang may manpestasyon ng mga ligaw na kaluluwa o earthbound soul dahil sa marami nang mga naikuwentong karanasan ng mga empleyado dito.

Meron yung biglang nagsasara ang pintuan ng cr, biglang may nagpa-flush sa inidoro o di man kaya ay bglang lumalakas ang aircon at magiging maingay ang paligid at nagpapagalaw ng anumang bagay tulad ng silya.

Ang ganitong mga manipestasyon ay palatandaan lamang na nais makipag-ugnayan sa daigdig ng mga buhay ang mga patay, o kundi man ay nais nilang iparamdam o patunayan sa pisikal na kahit sila ay sumabilang buhay na ay may kakayanan pa rin silang makapag-hayag ng kanilang damdamin.

Ang mga naririnig na paghikbi ay tanda ng kalungkutan ng multo o ng kaluluwa ng isang sumakabilang buhay at nangangailangan ng atensiyon mula sa daigdig ng mga buhay.

Maaaring ito ay gusto nang umalis dito sa pisikal na dimensiyon patungo sa mas mataas na dimensiyon at maaari itong matulungan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanya at sabihin lamang na tanggapin ang katotohanan ng kanyang kapalaran at wag nang pagtuunan ng pansin ang kanyang naiwang gawain o problema at higit sa lahat ay matuto siyang magpatawad.

Ang mga multong humahagikgik ay tanda naman ng kakulitan, kasiyahan at mapagbiro na maaaring gawin sa kahit sinumang kunsunada nito.

Ngunit kung anong uri ng espiritu ang nasa likod nito ay dapat nating pakinggang mabuti ang hagikgik kung ito ay mula sa isang bata na alam naman natin kung paano siya humagikgik at maaari din itong mula sa mga maliliit na nilalang na kilala sa tawag na mga duwende.

Ako ay unang nakarinig ng ganitong mga hagikgik nung nagbakasyon ako sa aming lalawigan sa La Union nang isang gabi habang tulog ang lahat ay naramdaman kong may nangangalabit sa aking talampakan mula sa maliliit na kamay o daliri sabay ang hagikgik.

Lagi nating isaisip na hindi lahat ng ganitong mga pagpaparamdam ay mula sa mga sumakabilang buhay na tao, kundi malaki ang posibilidad na mula ito sa mga maliliit na nilalang.

Ngunit kung alin sa mga multo ang kailangan pag-ingatan natin ay yung mga humahagikgik o humahagulgol dahil sa masyadong negatibo ang kanilang taglay na enerhiya.

May isa akong kaibigan na nagsabing nang makita niya ang multong humihikbi o humagulgol ay kitang kita niyang nanlilisiksik ang mga mata at maitim ang aura o enerhiya sa paligid nito.

Ang ganitong mga multo ang malaki ang posibilidad na sumanib sa pisikal na katawan ng isang tao, kung kayat hindi dapat na basta makipag-ugnayan dito kung wala kang alam sa pakikitungo sa mga kaluluwa o multo.

Ang mga nangangalabit naman ay isang uri ng multo na gustong ipahiwatig na nasa tabi lang siya o nasa paligid siya lalu na kung interesado siya sa pinag-uusapan ng mga taong nakapaligid sa kanya.

Naalala ko noong Setyembre 9, 2006 habang nasa kalagitnaan kami ng talakayan tungkol sa mga karanasan ng mga piloto ng Eye in the Sky ng DzRH sa mga multo at iba pang espiritu, ay bigla akong napa-igtad nang may kumalabit sa aking braso at kitang kita ito ng isa sa mga panauhin sa aking programang Misteryo.

Mag-ingat naman sa mga multo o espiritu na nag-iiwan ng mga pasa sa katawan pagkagising dahil sa may damdamain itong nagugustuhan ang isang tao lalu na ang mga kababaihan, kung kayat mainam na may proteksiyon dito ang ating katawan tulad ng panalangin o kaya ay pagtawag sa presensiya o puwersa ni San Miguel Arkanghel.

Kayo may mga karanasan ba kayo sa mga nilalang na hindi nakikita tulad ng mga multo, elemento, anghel, maging ng mga ekstra-terestriyal?