2006-09-14 03:47
Isa sa mga kaibigan kong DJ ang nagtanong sa akin tungkol sa isang karanasan niya tungkol sa isang maitim na nilalang na ilang beses na siyang inistorbo sa kanyang pagtulog.
Si “Sugar” ng Yes FM101.1 ay halos hindi magkandatuto sa pagsalaysay sa akin nang makita niya ang isang nilalang na naka-itim na hindi niya maaninag ang mukha habang siya ay nakahiga.
Nakita niya ang nilalang na ito sa kanyang ulunan na bagaman hindi niya makita ang mukha ay nararamdaman niyang negatibo dahil sa animoy lagi siyang inaasar at gustung-gusto nito na naiinis siya at hindi na makatulog.
Isinalarawan ni Sugar ang naturang nilalang na matangkad, at hugis trayanggulo o tatsulok, masyadong maitim ang kanyang kulay na animoy isang anino.
Ang napansin ni Sugar sa naturang nilalang ay gustung gusto nito na siya ay naiinis o nagagalit at hanggang sa nararamdaman niyang nanghihina na siya na para siyang nauupos na kandila.
Ganito rin ang naramdaman ng isa kong kaibigan na clairvoyant nang kanyang makaharap ang naturang nilalang na kitang-kita pa niyang may mapulang mga mata.
Karaniwan itong nagpapakita sa gabi mga alas-diyes hanggang alas-dos ng madaling araw, at sa mga unang pagkakataon ay nagpapansin muna ito tulad ng biglang pagpapakita sa bintana na bigla siyang mawawala o kundi man ay sumusutsot sa di kalayuan sa madilim na lugar.
At kapag nakuha na niya ang iyong atensiyon ay saka siya muling magpapakita at unti-unting lalapit sayo hanggang sa ikaw ay kanyang aasarin at makuha ang iyong enerhiya hanggang sa maramdaman mong ikaw ay nanghihina.
Sa mga taong hindi pa bukas ang kanilang ikatlong mata o “third eye” at hindi pa direktang nakikita ang itim na nilalang na ito, nagpapakita ito sa panaginip na maaaring mauwi sa bangungot dahil nga sa sadyang matatakot ka dahil sa bukod sa napakaitim niyang nilalang na animoy anino ay may nagbabaga pa itong mga mata.
Ang matindi pa, ipinagtapat sa akin ng aking kaibigan na nakita niya itong biglang lumapit sa natutulog niyang lola at ito ay kanyang pinagsasakal hanggang sa bangungutin at mamatay.
Maraming teorya tungkol dito ang mga imbestigador sa larangan ng paranormal at kabilang na rito ang hinalang ito ay isang negatibo kundi man napakasamang espiritu na ang iba naman ay maituturing nilang demonyo.
Ang iba naman ay itinuturing itong negatibong nilalang mula sa impiyerno na tinawag nilang “incubus” dahil sa may mga pagkakataon na pinagsasamantalahan o ginagahasa ang kanilang biktima na karaniwang babae habang nahihimbing sa pagtulog.
Sa aking sariling imbestigasyon tungkol dito, ang nilalang na ito ay kaiba sa mga negatibong nilalang o demonyo at ng tinatawag na incubus.
Aking natuklasan batay sa tulong din ng iba pa nating kaibigang clairvoyant at mga ET contact na ang itim na nilalang na ito ay isa palang uri ng Ekstra-Terestriyal (ET) na nasa kabilang panig o mga negatibong alien.
Lalu kong nakumpirma na negatibo itong ET dahil sa nang subukin kung tawagin ang mga mas positibong ET ay tila natakot ito at biglang naglaho.
Sa katunayan, nang tawagin ng kaibigan kong clairvoyant ang kaibigan niyang mabuting kapre ay natakot din ang maitim na nilalang at nawala itong parang bula at hindi mo malaman kung saan siya napunta.
Pinayuhan ko si Sugar na subukin ding tawagan ang mga positibong ET kung sakaling magpakita sa kanyang muli ang naturang maitim na nilalang ay ito nga ang kanyang ginawa nang isang gabing magpakita sa kanya at biglang naglaho nang gawin ang aking payo.
Ayon kay Heidi Hollis ng http://www.ufo2u.com/, ang maitim na nilalang na ito ay kabilang sa mga ET na tinaguriang “Shadow People”, ang isang uri ng mga alien na maituturing na mga negatibo.
Magkakaiba ang kanilang kaanyuan kapag nagpapakita sa tao, tulad ng pagpapakita na naka-itim na mahabang roba na merong saklob sa ulo at talagang mapupula ang kanilang mga mata.
Kitang kita ni Sugar na ang nilalang na nagpakita sa kanya ay merong mahahabang apat na daliri ang kamay at tinatayang nasa taas na 6 hanggang 7 talampakan.
Mag-ingat lamang kapag kayo ay nakakit ang ganitong nilalang, mainam na laging manalangin sa Poong Lumikha bago matulog para magkaroon kayo ng liwanag na magbibigay proteksiyon sa inyo.