Bagaman, karamihan sa atin ay naniniwala na may kanya-kanya tayong guardian angel o anghel dela guardia, iilan lamang sa atin ang nagkakaroon ng pagkakataon na makausap ang ating anghel.
Ito ay dahil karaniwang hindi natin alam kung paano sila makakausap, at kalimitan kapag nagparamdam sila sa atin ay napagkakamalan nating sila ay multo o anumang espiritu na karaniwang kinatatakutan lalu na sa maling akala na sila ay kampon ng kasamaan.
Kapag ganun ang ating laging impresyon sa mga nilalang na hindi natin nakikita ay malabo nang magkaroon ng manipestasyon ang mga anghel lalu na ang bantay nating anghel sa ating buhay.
Ang aking laging suhestyun sa mga taong sumasangguni sa inyong lingkod tungkol sa mga espiritu at mga nilalang na hindi nakikita, kailangang alamin muna natin kung sino ang mga ito bago natin husgahan na sila ay mga kampon ng kadiliman o di man kaya ay mananakit sa atin.
Ang isa sa mga maaari nating palatandaan para malaman kung masama o mabuti ang espiritu o mga di nakikitang nilalang, ay ang mismong epekto ng kanilang manipestasyon.
Tulad halimbawa na kung palaging may away sa inyong bahay, may mga pasa o sugat ang kasambahay, at ang mga mensahe ay naguudyok ng galit o hinanakit sa kapwa, masasabi nating mga negatibo ang anumang nilalang o espiritu sa inyong tinitirhan.
Ngunit kung ang manipestasyon ng nilalang ay para sa pag-ibig, pagmamahal, kapayapaan at pagbibigay ng proteksiyon ay masasabi kong ang mga ito ay nasa pwersa ng liwanag anumang nilalang sila, pangit man o maganda.
Sa hanay ng mga anghel, karaniwan silang nagbibigay ng inspirasyon, pag-asa, lakas ng loob, pagmamahal at pagpapagaling sa mga may karamdaman.
Maraming paraan para maka-ugnayan ang inyong mga anghel, unang una na dito ay kailangang maging sensitibo tayo sa kanilang presensiya o manipestasyon, na ang ibig sabihin ay matuto tayong sila’y damhin.
Ang isa sa mairerekumenda kong paraan na sila ay makaugnayan ay sadyain nating hilingin sa ating anghel na kausapin tayo habang tayo ay natutulog, dahil karaniwan sa atin na nakaka-ugnayan ang mga nasa kabilang dimensiyon sa ating pagtulog na kadalasan nating napagkakamalan na isa lamang panaginip.
Maaari mong isama ang iyong kahilingan ng pakikipag-ugnayan sa iyong anghel sa iyong pagdarasal bago matulog sa gabi o di man kaya ay kahit na yung normal lamang na kinakausap mo siya na “aking anghel gusto kitang makausap pwede bang mag-usap tayo sa aking panaginip?”
Ang pangunahing susi para hindi mag-alangan na makipag-ugnayan sa inyo ang inyong anghel ay kaibiganin mo siya, ituring mo siyang hindi ibang nilalang na ang ibig sabihin ay ituring mo siyang napatalik mong kaibigan o di man kaya ay kapatid na hindi ka nahihiya lalu na kapag merong problema.
Isang araw, kinausap ako ng kasamahan kong announcer sa DZRH si Ruth Abao at nagtanong kung paano niya makakaugnayan ang kanyang anghel o sinumang spiritu guide.
Ang isang paraan na aking sinabi sa kanya ay matutong mag-meditasyon dahil sa ganung paraan pa lamang ay meron na tayong magagawa o sadya nating maisasakatuparan ang kahilingang kausapin an gating anghel dela guwardiya.
Sa inyong meditasyon, lumikha ng isang lugar sa inyong isipan tulad ng isang pabilog na hardin na merong dalawang lagusan. Ang isang lagusan ay siyang iyong pinagmulan samantalang ang isa naman ay katapat ng lagusan na pinasukan mo kung saan dadaanan ng iyong anghel dela guardiya papasok din sa loob ng pabilog na hardin na merong kahoy na mesa at dalawang magkatapat na upuan sa gitna..
Kapag ikaw ay nasa loob ng pabilog na hardin, maupo ka at ibulong mo na gusto mong makausap ang iyong anghel dela guardiya. Mamaya ng konti kung di man katagalan ay may nilalang magpapakita sa iyo, maaaring bata, matanda, ibon, babae o lalaki sa kabilang lagusan, at kapag nakita mo na ngumiti ka at imbitahan mo siyang maupo sa harap mo, at doon na magsisimula ang inyong pag-uusap. Magtanong ka kung ano ang gusto mong tanungin at isaisip na mabuti ang kanyang kasagutan, maaaring nakangiti siya, malungkot, may pagkilos ang kanyang katawan o kamay at pakinggan kung may maririnig ka sa kanyang sinasabi. Pagkatapos ng inyong pag-uusap ay magpasalamat ka sa kanya at pinagbigyan ang iyong kahilingan, hanggang sa siya ay magpapa-alam na at nasa iyo kung gusto mo siyang yakapin, dahil nakilala mo siya at itinuturing mo na siya ngayong kapatid o kaibigan. Isulat ang anumang napag-usapan.