Mga ka-Misteryo ngayong may krisis sa tubig ay iba’t iba ang naiisip na paraan. Siyempre dun muna tayo sa mas siyentipikong paraan tulad ng cloud seeding para umulan at may inaayos ding problema ang Manila Water, Maynilad at ang MWSS sa hatian ng tubig sa Angat Dam.
Maging ang Simbahang-Katolika ay nabahala na sa ganitong sitwasyon kung kaya’t mismong si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ay nagpadala ng liham sa mga parokya na manalangin na para malutas ang krisis sa tubig.
Tinatawag itong ‘Oratio Imperata’ ay katagang Latin ng Obligatory Prayer na inuusal tuwing misa ng mga pari sa panahon ng pangangailangan tulad ng kalamidad.
Kung epektibo nga ba ito ay depende kung sino ang naniniwala sa kapangyarihan ng panalangin, pero kung ako ang tatanungin, kapag bukal sa puso’t isipan ang pagdarasal ay garantisadong magkakaroon ng katuparan.
Narito ang Panalangin para Umulan na ibinahagi ni Cardinal
Tagle sa mga mananampalataya na kailangan pangunahan ng mga pari sa kanilang misa.
“Hilingin natin sa Panginoon na ipagkaloob ang biyaya ng ulan na siyang matinding pangangailangan lalo na sa Luzon ngayon upang ang pinsala sa mga pananim at kabuhayan at ang napipintong krisis sa tubig ay maiwasan. Manalangin po tayo.
Ngayong panahon ng krisis, himukin nawa ng Panginoon ang ating mga puso upang matutong magbahagi sa ngalan ni Hesus at mamulat sa ating pananagutan sa kapwa, at sa lahat ng biyayang ipinagkatiwala sa atin. Manalangin po tayo.”
Bukod sa panalangin ay meron ding iba na gustong subukin ang ‘rain dance’, isang katutubong sayaw para umulan. Ito ay ginagawa ng mga katutubong Igorot, Aeta at iba pa. Tulad ng Oratio Imperata kailangan lamang na bukal at walang pag-aalinlangan ang sinuman pag ito ay ginawa.
Naniniwala ang mga katutubo na sa pamamagitan ng seremonya ng Rain Dance ay agad na tutugon ang Kalikasan at magbubukas ang kalangitan para umulan.
Para sa akin ang Rain Dance ng mga katutubo at Oratio Imperata ng Simbahan bagaman magkaiba ng pamamaraan ay magkatulad lamang ang layunin para hilingin sa Poong Lumikha at Kalikasan para umulan.
Gayunman, hindi naman tayo dapat umasa lamang sa himala dahil dapat umaksiyon din ang tao. Solusyunan ang problema.
Para sa inyong mga suhestyun, mag-email sa misteryophilnet@gmail.com. Bisitahin ang website: www.reytsibayan.com www.tonite.abante.com.ph