Soulmate, Perpektong Kakambal ng Kaluluwa

Marami ang mga naniniwala tungkol sa soulmate ngunit marami rin ang nagkakamali tungkol dito. Kadalasan nating napagkakamalan na soulmate o kakambal ng ating kaluluwa ang mga minamahal o kabiyak. Ngunit, kaiba pala ito sa tunay na kahulugan ng soulmate.

Hindi ba madalas nating sabihin na kapag matindi ang pagmamahal natin sa isang tao ay sinasabi nating siya ang ating soulmate. Madalas natin itong marinig sa mga magkasintahan lalu na kapag magkakapareho ang kanilang hilig.

Ngunit sa bandang huli ay sasabihin mong hindi siya ang iyong soulmate kapag umabot na sa puntong nag-away na kayo, nagkasakitan na kayo at tuluyan nang nagkahiwalay.

SoulmateAno nga ba ang tunay na soulmate? Mula sa naturang kataga, ang soul ay kaluluwa at ang mate ay katambal, o partner. Ngunit sa aking personal na pagkakaunawa ang soulmate ay hindi lang basta katambal o partner kundi mas malapit pa at ito ay maihahalintulad ko sa kakambal o twin soul.

Para kay Astrologer Linda Goodman, ang soul mate ay ang kalahati ng iyong kaluluwa kung saan ang kanyang enerhiya at mga katangian ay perpektong perpekto na na kasingtulad ng iyong enerhiya at mga katangian.

Para naman sa Amerikanong Psychic at Sleeping Prophet Edgar Cayce, ang soulmate ay siyang kaluluwa na umaalay sa kakambal nitong kaluluwa sa pangkalahatang buhay nito sa lupa.

Sa aklat na sinulat ni Professor Jaime T. Licauco na pinamagatang Soulmates, Karma and Reincarnation, ang konsepto ng soulmate ay hindi basta-basta maiintindihan kung hindi mo muna uunawain ang tinatawag na Universal Law of Karma at Law of Reincarnation.

Ito’y dahil sa malalaman mo lamang ang iyong soulmate sa serye ng iyong reinkarnasyon sa ibat-ibang buhay mula noong mga unang panahon hanggang ngayon o sa mga susunod mo pang buhay.

Hindi mo rin agad malalaman ang iyong soulmate ng buong magdamagan lamang dahil sa hindi nangangahulugan na ang iyong napangasawa ay ang iyong soulmate bagkus ito ay maaaring isa sa iyong mga malalapit na kaibigan, kamag-anakan at kasamahan sa trabaho.

Maaaring hindi rin niya alam na ikaw din ang kanyang soulmate lalu na kapag hindi pa niya nareresolba ang mga kinakaharap niyang karma sa buhay niya ngayon – pagkakaroon ng relasyon, pakikitungo o pakikisama sa ibang tao na kanya ring nakakasalamuha at natagpuan sa kasalukuyang buhay.

Sakaling nagkaroon kayo ng pagkakataon na nag-krus ang inyong landas ng iyong soulmate, hindi mo maipaliwanag kung ano ang mararamdaman mo dahil sa ang pakiramdam na iyon ay hindi lamang pisikal bagkus ay mula sa kaibuturan ng inyong mga kaluluwa.

Ito ang tinatawag ni Mathematician at Mistikong si P. D. Ouspensky na “Law of Types.” Ito ay ang hindi matanggihan pwersa o “irresistible force” na kahit sinuman sa mundong ito ay hindi kayo mapaghihiwalay. Kapag nagtagpo ang soulmates ay tiyak aniyang mararanasan nila ang katangi-tangi at walang hanggang pag-ibig na maaaring maging inspirasyon sa paghabi ng walang hanggan at walang kamatayang tula ng pagmamahalan.

Sa pagkalahatang resulta ng ibat-ibang kahulugan ng soulmate, inihayag ni Licauco na ang soulmates ay dalawang kaluluwa na naging malapit sa isat-isa sa serye ng mga naging buhay kung saan perpekto ang kanilang pakiramdam at katangian sa kanilang pagtahak sa serye ng kanilang buhay.

Sa aking pananaw, bagaman magkasama kayo o palagi kayong nagtatagpo ng iyong soulmate sa serye ng inyong buhay ay saka mo lang malalaman na soulmate mo ang isang kaluluwa kapag natapos na ang inyong karma sa mundong iyong ginagalawan, bagaman hindi maitatanggi ang masidhing damdamin ninyong dalawa bilang magkakambal na kaluluwa.

Ngayon, ano ang mga palatandaan na ang isang tao ay iyong soulmate? Pag nagtagpo ang soulmates, kapwa nila hindi maipaliwanag ang kanilang damdamin hindi sa pisikal na atraksiyon kundi ang kanilang mga kaluluwa. Kung ano ang nararamdaman ng isa, halimbawa may bahagi ng katawan nito ang masakit ay nararamdaman din ito ng kanyang soulmate. At kung marunong ang soulmate na gamutin ang kanyang sakit ay otomatiko ding gagaling ang sakit ng soulmate nito. Malakas din ang kuneksiyon sa isip ng soulmates. Iniisip pa lang ng isa ang gagawin nito ay ginagawa na ito ng kanyang soulmate. May mga pagkakataon na ang isang tao ay magtatanong sa isa pa ngunit nagtaka na lamang ito na hindi pa niya natatapos ang kanyang tanong ay sinasagot na ng kabila. Ang matindi pa nito, ang soulmates kapag nagtalik ay kapwa sila walang kapaguran bagkus ay lumalakas pa sila kahit gaano katagal ang kanilang pagniniig. Kung bakit ganito, dahil sa kapwa iisa ang antas ng enerhiya ng dalawang taong soulmates at ang pagsasanib ng kanilang kaluluwa ay maaaring magresulta sa tinatawag na “spiritual enlightenment”.