Isang mapagpalang araw mga ka-Misteryo at ka-METRO, Om Shanti.
Kamakailan lang bago tumama sa kalupaan ang super bagyong Yolanda (Haiyan), ay mismong si Marinduque governor Carmencita Reyes ang nagsabing naligtas sila sa pagtama ng kalamidad nang magpakita sa kanila ang imahe ni Birheng Maria.
Mangiyak-ngiyak pa ngang sinabi ng gobernadora na maging ang kanyang mga kababayan na nakakita sa imahe ng Birheng Maria sa kaulapan ay humagulgol sa pag-iyak sa kanilang nakita.
Ang salaysay ng gobernadora ay nai-ere ng DZRH sa live interview sa kanya ngunit marami ang nagduda na totoo ang naturang aparisyon.
Hindi na bago sa buhay ng tao ang Marian Apparition dahil sa ngayon ay meron nang 295 cases ng pagpapakita ng Birheng Maria sa buong mundo at ang pinaka-una dito ay noong taong AD 39 nang magpakita kay St. James the Great si Maria sa Zaragosa, Spain.
Dahil sa aparisyong ito ay itinayo ang simbahan sa Zaragosa, Spain na kilala na ngayon sa tawag na ‘Our Lady of Pilar’ church.
Ito ay sinundan ng Marian Apparition kasabay ng pagbagsak ng snow sa ituktok ng Esquiline Hill sa Rome kung saan nakatayo ngayon ang Basilica of Santa Maria Maggiore.
Kasunod nito ang Our Lady of Walsingham nang magpakita ang Birheng Maria kay Richeldis de Faverches noong 1061 sa Walsingham, England; Our Lady of the Rosary nang magpakita kay Saint Dominic ang Birheng Maria sa simbahan ng Prouille, France noong 1208 at itinuro ang pagdarasal ng Rosaryo.; at Our Lady of Mount Carmel nang magpakita kay Saint SImon Stock noong 13th Century at ibinigay sa kanya ang ‘brown scapular.’
Ang Marian Apparitions na ito ay otomatikong aprubado na bagupaman naitatag ang Congregation for the Doctrine of the Faith noong 1542 at inatasang sumuri, at mag-imbestiga ng kahit na anong Marian Apparition at kalaunan ding aaprubahan ng Holy See.
Kabilang sa 12 Marian Apparition na inaprubahan ng Holy See ay ang Our Lady of Guadalupe sa Mexico noong 1531, Our Lady of Laus mula 1664 hanggang 1718 sa Saint Etienne le Laus, France; Our Lady of the Miraculous Medal sa Ruedu Bac, France noong 1830; Our Lady of La Salette sa La Salette, France noong 1846; Our Lady of Lourdes, sa Lourdes, France noong 1858; Our Lady of Fatima sa Portugal noong 1917; at marami pang iba.
Bagaman, kamakailan din sa Bohol at Cebu ay sinasabing merong pagpapakita ng Birheng Maria ay hindi pa ito basta-basta makukumpirma ng Simbahan, sa katunayan ang pinakahuling inaprubahang aparisyon noong 2010 ay ang Our Lady of Good Help noong 19th century sa Amerika sa local level habang ang kinumpirma ng Holy ay ang 18th century apparition ng Our Lady of Laus noong 2008.
Anuman ang ganitong mga aparisyon na magpapanumbalik sa pagtitiwala at paglakas ng pananampalayata sa Diyos ay malaking tulong para sa lahat lalu na sa gitna ng kalamidad. Ang mahalaga sa lahat ay ang mensahe na maaaring sinasabi sa ganitong aparisyon para sa kabutihan ng lahat.
Bumisita sa aking website: www.reysibayan.com. Subukin ang GD Healing Crystal 09081217808 at 09179076847. Namaste#